Ang lawang buhi
Ang tubigan ay matatagpuan sa Buhi, Camarines Sur, tinatayang may lalim na walong metro at 1,800 ektaryang lawak na tubig-tabang na nasa pagitan ng lambak ng dalawang matatandang bulkan sa rehiyon, ang Bulkang Malimas at Bulkang Iriga.
May dalawang teorya kung paano nabuo ang Lawang Buhi. Ang una ay noong gumuho ang isang bahagi ng Bulkang Iriga sa isang paglindol noong 1641. Ang pagguho ng lupa ay nagresulta sa pagkabuo ng isang natural na dam na siyáng naging Lawang Buhi. Sa ikalawang teorya naman, ang lawa ay nabuo nang pumutok ang Bulkang Asog.
Bukod sa isdang sinarapan (Mistichthys luzonensis), maraming nabubuhay na isda sa lawang ito kabilang na ang tilapya na komersiyal na pinaparami at inaani dito. Ang nakapalibot na kagubatan sa lawa ay tahanan din ng di-bababâ sa 25 uri ng mga ibon.
Ang Lawang Buhi ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mamamayan sa bayang ito. Masigla at produktibo and industriya ng pangisdaan sa bayan ng Buhi. May nakatayô rin ditong isang planta ng idroelektriko na kumukuha ng suplay ng tubig mula sa lawa. Ang Pambansang Administrasyon sa Irigasyon ay gumagamit din ng tubig mula sa lawa para sa irigasyon ng mga palayan at taniman sa mga bayan ng Rinconada kabilang na ang Lungsod Iriga.
Sa ngayon, nanganganib na mawala ang sinarapan dahil sa patuloy na polusyon sa tubig na nagmumula sa mga basurang domestiko at industriyal na itinatapon sa lawa. Gayundin, ang mga “fish cages” o kulungan ng isda na umuokupa sa halos 80 porsiyento ng lawa na nagdudulot ng pagkawala ng oksiheno sa tubig ng lawa.
Pinagmulan: NCCA official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang lawang buhi "