Ang kalado (mula sa Espanyol na calado) ay disenyong ornamental na binubuo ng inayos na mga butas sa kahoy, metal, bato, at iba pa.


Sa arkitektura ng mga bahay noong panahon ng Espanyol, ang disenyong ito ay nagsisilbing daluyan ng hangin. Tinutukoy rin nito ang tela na may katulad na disenyo.


Ginamit ang kalado bilang isa sa paraan ng pagboborda ng panyuwelo, kamisa de tsino, barong tagalog, at iba pa. Sa pagboborda ng kalado, isinasagawa ang tinatawag na bakbak o paghihila ng mga sinulid sa partikular bahagi habang pinagtitibay ang iba pang bahagi at pagtatahi ng dalawa upang makagawa ng masalimuot na disenyong engkahe.


Dahil sa mahirap na gawain, ang sining ng bordang kalado ay higit na nagpapamahal sa presyo ng barong tagalong, terno, o belo.


Bantog si Araceli Limcaco Dans sa kaniyang pinturang kalado at nagtatanghal sa masalimuot at realistikong pagdedetalye ng naturang borda sa damit at belo.


May mga kritiko na tinitingan ang obra ni Dans nang higit kaysa still life. Para sa kanila, isang ekspresyong nasyonalista ito at paghahanap ng diwaing makabayan sa modernistang sining.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: