Sawsawan
Bawat putahe sa mesa ay nangangailangan ng mga platito ng sawsáwan dahil may kani-kaniyang kombinasyon at timpla ng bawat uri ng sawsawan ang kumakaing Filipino.
Apat ang pinakapayak at katutubong uri ng sawsawan: suka, patis, heko, at bagoong.
Ngunit pinaghahalo ang mga ito alinsunod sa panlasa ng kumakain. Ipinasok ng Tsino ang toyo. Nadadagdagan din ang batayang sawsawan alinsunod sa ulam. Ganito ang karaniwang dagdag at kombinasyon.
Sa paksiw na isda, may nagdadagdag ng kamatis at sibuyas. Sa pritong isda, kamatis at bagoong na alamang. Puwede ring buro at atsarang mangga. Sa sitsaron, suka, kamatis, bagoong na alamang, at bawang. Sa pindang, suka at siling labuyo. Sa nilagang manok, patis at dayap. Sa potsero, hiniwang kamatis na ginisa sa bawang, sibuyas, at asin. Sa okra, suka, asin, at paminta. Sa nilagang talong at ibang gulay, bagoong na ginisa sa bawang na may kamatis at sibuyas. Sa pansit malabon, patis at kalamansi. Sa pansit gisado, toyo at kalamansi. At marami pang iba.
Kung sa bagay, marami nang Amerikanisado ang nagtataktak sa platito ng bote ng ketsap basta may nakaharap na pritong ulam, lalo’t pritong manok. At huwag magulat kung itaktak nilá’t ilamas sa kanin ang ketsap.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sawsawan "