On
Kinilaw marahil ang pinakamatandang paraan ng pagluluto. Sa pamamagitan nitó’y mabilisang naihahanda at nakakain ang sariwang ani mulang dagat. Pinapatakan o ibinababad sa suka o katas ng dayap at kalamansi ang lamáng-dagat.


Maingat upang hindi “masyadong maluto” at maglaho ang natural na kulay at kutis ng laman ng tanige, pampano, tuna, talaba, tipay, hipon, alimango, o tulya. Pandagdag sa lasa ang sawsawang may luya, sibuyas, siling labuyo, o gata ng niyog.


May pihikan na ang gusto’y dayap lamang ang ipiniga sa tipay o talaba. May natuto sa istrok ng mga Pranses at pinalalamig muna sa yelo ang talaba bago kainin.


May hindi sanay kumain ng hilaw at ipinahahalabos muna ang ulang. Siyempre, masarap na ihanda itong may kasamang kamatis, hilaw na papaya, pipino, mangga, milon, at ibang prutas na pampaalis ng lansa.


Sa Ilocos, ang kinilaw na kambing ay tigib sa lasa ng papait at ibang sangkap.


Natikman mo na ba ang kinilaw na puso ng saging? Hinihimay nang maliit ang puso ng saging at ibinababad sa tubig habang pinipiga-piga. Pagkatapos, pinatutuyo itong mabuti at saka inihahaing may inihalong gata ng niyog, katas ng dayap, sibuyas tagalog, siling labuyo, at asin.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: