On

 

Papaitan

Papaitan


Ang papáit ay kulay berde at mapait na katas ng naimbak na damo sa bituka ng kambing. Ang papaítan, sa gayon, ay lutuin sa kambing na hinahaluan ng papait. Ang pinakapopular ay ang kilawén (ang kiniláw ng mga Ilokano). Ang sinúnog na balát ng kambing at ang karne sa ilalim nitó ay hinihiwa sa maliliit na piraso. Pagkatapos ay nilalamas ito sa papait. Ang sangkutsár ay may sabaw. Ang kambing ay kinakatay at tinatadtad ang lamán, lamang-loob, bagà, at puso. Pagkatapos, iniluluto ito sa kumukulong papait, na may sangkap na sukà, asin, luya, at paminta.


Kasabihan sa Ilocos na pag nakahigop ka ng mainit na sabaw ng sangkutsar ay malilimot mo ang iyong biyenan.


Ang sangkutsar ang higit na kilaláng papaítan sa labas ng Kailukuhan. Ang hindi mahilig sa kambing ay karne’t bituka ng báka ang iniluluto sa papait. Siyanga palá, may kilawen ang mga Ilokano na walang papait. Inaalis ang balát at lamán lámang ng kambing ang tinatadtad. Pagkatapos, inilalamas ito sa utak ng hayop (Ang pagkain ng utak ay popular sa Hilagang Luzon.) at sinangkapan ng sukà, toyo, asin, at kaunting asukal. Bilang arte, inihahanay sa ibabaw ang mga hiniwang atay. Ginagawa ring kilawen ang karne ng báka at kalabaw


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr