Buro
Hanggang ngayon, itinitinda sa lansangan ang mga garapon ng burong hilaw na mangga o santol na nakababad sa tubig na may asin. Ang mga dahon ng mustasa ay medyo ibinibilad, pinagkukumpol, at ibinababad sa bangang may hugas bigas at asin para maging burong mustasa. Isang mahirap na trabaho ang pag-iipon upang ilamas sa kanin ang taba ng burong talangka.
Sa Pampanga, ang buro ay hipon o isdang may kanin at inasnan. Tinatawag din itong balawbalaw o balubalo.
“Binubulok” ito nang ilang araw. Bago kainin, iniluluto ito at nilalagyan ng kaunting sabaw. Maaari itong kainin sa pamamagitan lamang ng paglalamas sa kanin o kaya, tulad ng karaniwang gawain ng mga Pampanggo, gamiting sawsawan.
Sa mga Pampanggo, ang buro ay pinakamasarap na sawsawan ng inihaw na dalag o pritong hito. Inihahanda ang naturang isda na naliligid ng ensaladang sariwang dahon ng mustasa o pinakuluang ampalaya, okra, talong, at sigarilyas. Isinasawsaw ang isda at ang mga pinukuluang gulay sa buro. Samantala, maaaring ibalot na parang lumpiya ang búro sa dahon ng mustasa.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Buro "