On
Ang gulay na ampalaya


Ang ampalaya (Momordica charantia) ay isang halamang gumagapang na nabubuhay sa mga tropikong lugar. Ang baging nito ay humahaba ng 20 sentimetro. Ang mga dahon ay hugis puso at lumalaki ng hanggang 15 sentimetro ang diyametro. Malaman ang prutas nito na kulay berde at may kulubot na balat.


Habang nahihinog ang ampalaya, nagiging kulay dalandan ito. Lumalaki ang biluhabang bunga ng ampalaya hanggang 30 sentimetro. Sa loob nito ay may mga buto na tinatanggal bago kainin. Kilala ang ampalaya sa pagiging mapait. Mabuti ang naidudulot ng ampalaya sa katawan ng tao kaya naman pinakikinabangan ito bilang pagkain at gamot sa maraming uri ng sakit.


Habang gumugulang ang ampalaya, lalo itong nagiging mapait at ang ubod naman ay nagiging matamis. Kadalasang iniluluto ang bunga at dahon ng ampalaya bago kainin.


Sa Tsina, ginagamit ang mapait na lasa ng ampalaya para pasarapin ang mga lutuin nilang nilalahukan ng karne. Ginagawa din itong tsaa.


Sa Pakistan, pinakukuluan ito at inihahain kasama ng giniling na baka at saka inuulam sa mainit na tinapay.


Sa Pilipinas, iniluluto ito na may giniling na baka, itlog, at kamatis. Isang sangkap din ito sa kilalang luto ng mga Ilokano, ang pinakbet.


Ginagamit ang ampalaya na panlunas sa sakit sa tiyan. Binubuksan ang ampalaya at ibinababad sa pulut dahil mabisa itong pamatay sa bulateng nematode, malarya, bulutong, at HIV.


Pinagaganda rin nito ang daloy ng dugo. Mabisang panlaban sa diyabetis ang ampalaya. Isinasaayos nito ang dami ng insulin na ginagamit sa katawan ng tao. Mula sa pagaaral, nakatutulong din ang ampalaya upang labanan ang sakit na kanser.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: