Angkak
Ang angkak (Monascus purpureus) ay pulang amag ng binurong kanin. Isa itong sinaunang paraan ng pangkulay sa pagkain bukod sa isang sangkap sa gamot para sa sirkulasyon ng dugo.
Ang funggus na Monascus na lumilikha ng angkak ay natural at epektibong suplemento para sa pagkontrol ng kolesterol. Sa gayon, ang kulay na idinudulot ng angkak sa pagkain ay hindi lamang nagdudulot ng dagdag na lasa sa pagkain. Nagsisilbi din itong medisina para sa kumakain.
May ulat sa panahong Ming na ipinanggamot ang angkak laban sa sakit ng tiyan, pagtatae, anthrax, hang-over, at dyspepsia. Tinatawag itong hung-chu at zhitai sa Tsino at benikoji sa Hapones.
Isang matandang kaalaman sa Tsina ang produksiyon ng angkak at sinasabing matagal itong ipinaglihim. Ginagamit ito noon sa paggawa ng keso at ng inuming tinatawag na anchu.
Sa Pilipinas, ginagamit ang angkak bilang pangkulay ng bagoong at mga inuming kahawig ng anchu.
Pinagaaralan din ngayon ang tunay na halaga nito bilang kapalit ng nitrite sa pagtatapa ng karne. Kapag ibinuburo ang kanin, mapapansin ang aksiyon ng Monascus purpureus sa pagbabago ng kulay ng kanin. Sa umpisa, puti ito, ngunit mabilis na magbabago ng kulay at magiging pink hanggang maging naninilaw na kulay dalandan. Bisa ito ng pag-asim ng kanin. Sa pangwakas na yugto, ang kanin ay magiging mapuláng-mapulá.
Lahat halos ng bigas ay maaaring iburo para gawing angkak. Maliban sa malagkit dahil itinuturing na hindi kasiya-siya ang tila madikit na testura nito. Sa kasalukuyan, may mga eksperimentong ginagawa mula mais dahil higit na mura ito kaysa bigas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Angkak "