Ano ang anonas?


Ang anonang/anonas (Annona reticulata) ay palumpong na may taas na aabot hanggang sampung metro at nakakain ang bunga. Ang mga dahon nito ay makikintab at biluhaba na may patusok sa dulo; may habang 20 sm at lapad mula dalawa hanggang limang sentimetro.


Ang mga bulaklak nito ay may kulay na lungtiang dilaw, mabango, at may habang dalawa hanggang dalawa’t kalahating sentimetro. Ang itsura ng panlabas na talulot ay kawangis ng atis samantalang ang panloob naman ay napakaliit at palapad na bilog.


Ang mga bunga nito ay hugis-puso, kayumangging dilaw at may diyametrong walong sentimetro o higit pa. Ang balat ng bunga ay manipis na bumabalot sa lamang kulay krema, makatas, at matamis. Nabubuhay ito sa mga lugar na may klimang tropikal. Kinakain ang bunga nito kapag hinog.


Ang pinatuyo at pinulbos na bungang hilaw naman ay mainam gawing gamot sa pagtatae, pampahilom ng sugat, at pampuksa ng parasito. Ang pinainitang dahon ay maaaring gawing pampuksa sa parasito at lunas sa mga hindi natutunawan ng pagkain.


Ang mga balat ng puno ay maaaring gawing gamot sa sugat at inuming pampagising. Ang pinulbos na mga balat ng kahoy ay ginagamit panggamot sa pagtatae at iti. Kapag malala ang pagtatae ng isang pasyente, samasamang pinakukuluan ang hilaw na bunga, balat ng puno at mga dahon sa isang litrong tubig sa loob ng limang minuto saka ipaiinom sa pasyente.


Ang mga ugat ay gamot sa epilepsiya. Maaari ring makakuha ng asul at itim na pangkulay at matitibay na hibla mula sa anonas.


Dinala ito ng mga Espanyol sa Filipinas mula sa bahaging tropikal ng Amerika.


Tinatawag din itong

  • anat,
  • bullock’s heart,
  • custard apple,
  • nanas, at
  • sari-kaya.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: