Guyabano
Ang puno ng guyabano ay hindi hihigit sa pitong metro ang taas. May hugis-itlog itong dahon, makinis, makintab at may sukat na 7-10 sentimetro ang haba.
Ang bulaklak naman nito ay nagdidilaw hanggang berde ang kulay. Ang halamang guyabano ay itinatanim at pinapayabong bilang isang komersiyal na pananim dahil sa prutas nitong may timbang na aabot sa 2.5-5 kilo ang bawat isa. Angkop itong itanim sa mga lugar na may mataas na halumigmig at relatibong katamtamang lamig ng panahon.
Ang prutas ng guyabano ay malaki, hugis itlog, o kaya bilugan. Magaspang ngunit manipis ang balat ng prutas ng guyabano na may kalat-kalat na mga malambot na parang tinik. Ang loob ng prutas nito ay may mga maputî, matamis, at malaman na mga pulpo. May pagkamaasim na matamis ang lasa nito kapag kinain.
Masarap ding gawing inumin ang guyabano. Malalamang hinog na ang prutas ng guyabano kung ito ay malambot na kapag hinawakan at ang kulay ng balat nito ay mapusyaw na dilaw. Ang prutas na ito ay mataas sa carbohydrate partikular na sa fructose. Ito ay naglalaman din ng mga bitamina C, B1 at B2. Nagkaroon na din ng pagaaral na pinatutunayang ang guyabano ay may kemikal na mas mabisa bilang chemotherapeutic na gamot.
Ang guyabano ay nagmula sa Amerika. May iba’t ibang tawag din sa guyabano, gaya ng atti, babana, bayubana, guabana, guiabano, at labanus.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Guyabano "