Ang balete (may varyant na balíte o balitì) ay isang grupo ng mga puno sa Filipinas mula sa genus na Ficus, fig tree o banyan tree sa Ingles at igos sa Espanyol.


Nagsimula ang buhay nito bílang isang epiphyte kapag sumibol ang buto nito sa mga bitak at siwang ng isang puno o sa isang estrukturang tulad ng gusali at tulay.


Marami ang tinatawag na strangler figs, na tumitira sa simula ng buhay nila sa isang puno, pagkatapos ay kakapitan ang buong katawan ng puno, at sa hulí ay papatayin ito.


Kilala rin ito bílang hemiepiphytes na nagsimula na parang halamang hangin, maraming nakalawit na ugat, na kakapit paibabâ sa lupa, at sa dakong hulí ay pupulupot sa isang puno, yayapusin ito hanggang mamatay.


Sa alamat, kasabihan, at mitolohiyang Filipino, pinaniniwalaan na maraming engkanto ang nakatira sa balete, tulad ng kapre, babaeng nakaputi, aswang, duwende, at tikbalang. Ito ay kadalasang ginagamit na tema sa mga pelikulang Filipino sa klasipikasyong katatakutan o horror.


Ang ibang klase ng balete ay naglalabas ng mahinang kalidad ng goma. Isang halimbawa ay ang India rubber (F. elastica) na inaalagaan kahit paano para sa goma.


Ang ibang uri tulad ng tangisang-bayawak (Ficus variegata) ay malaking puno na maaaring gamitin sa paggawa ng palito ng posporo.


May mga pananaliksik na ang isang uri ng F. elastica ay mayroong elemento na panlaban sa mikrobyo at kontra sa pamamaga. Ayon sa mga kuwento at alamat, ang balat ng species na F. benjamina, kasama ang ugat at dahon nito, ay maaaring pakuluan sa langis at gawing pampahid sa mga sugat at gasgas.


Gamot din ito sa rayuma at sakít ng ulo. Itinatanim ang mga punò ng balete sa mga lagusan at daanan bílang kanlungan o habong laban sa matinding síkat ng araw.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: