Ano ang tikbalang?


Mitolohikong nilalang ang tikbalang na may ulo, mahahabang binti at hitang hawig kabayo, at katawan at mga kamay na hawig ng sa tao.


Gaya ng kapre, pinaniniwalaang naninirahan ang matatangkad na tikbalang sa malalaking puno, gaya ng balete, at nakikitang nakaupo sa pinakamataas na sanga ng punongkahoy.


Sabi-sabi ng matatanda na sa tuwing sabay na umuulan at umaaraw ay may tikbalang na ikinakasal. Kaya may tugmang pambata na ganito ang sinasabi:


Umuulan-umaaraw

‘Kinakasal ang tikbalang.


Karaniwan namang isinisisi ang pagkawala ng mga biyahero, lalo na sa kagubatan at kabundukan, sa panlilinlang ng tikbalang.


Pinaniniwalaan ding sa gabi, lalo na sa kabilugan ng buwan, ay naghahanap ng dalagang mabibiktima ang tikbalang na kaniyang aanakan para lalong dumami ang kaniyang uri.


Hanggang sa kasalukuyan ay ginagamit ang tikbalang bilang panakot ng di-iilang nakatatanda sa mga batang maiingay at malilikot.


Mahihiwatigan sa mga kuwentong ito na ang mga pananakot sa tikbalang ay bahagi rin ng pangangailangang mapangalagaan ang kapakanan ng kababaihan lalo na kung gabi at nasa delikadong lugar sila, at matiyak na pinananatili ng mga musmos ang mabuting asal.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: