Ano ang tiyanak?


Mitolohikong lamang-lupa ang tiyanak na pinaniniwalaang nagmula sa mga sanggol na namatay nang hindi pa nabibinyagan.


Nababago-bago ng tiyanak ang anyo nito, halimbawa, bilang nakatatakot na nilalang at sanggol na walang kamuwang-muwang. Sinasabing marami nang nangawalang tao ang nalinlang ng iyak ng tiyanak na nag-anyong sanggol.


Gaya ng maraming mitolohikong nilalang sa Pilipinas, ang tiyanak ay nagmula sa katutubo at Asyanong paniniwalang naimpluwensiyahan ng Kristiyanismong dala ng mga Espanyol.


Maiuugat ang mito ng tiyanak sa panganganak ng mga babae, yugtong pinakamaselan ang buhay ng isang ina at ng kaniyang sanggol. Hitik ang mitolohiya ng Asia sa mga lamáng-lupang nagmula sa nangamatay na ina at sanggol sa panahon ng panganganak.


Nang sakupin ng mga Espanyol ang bansa, isa sa mga pamamaraang kolonyal ang kumbersiyon ng mga Filipino sa Kristiyanismo. Pangunahing isinagawa ito sa pamamagitan ng sakramento ng binyag. Samakatwid, ang pagbibinyag sa mga sanggol pagkasilang na pagkasilang ng mga ito ay isang gawaing mahigpit na itinuro ng mga paring Espanyol. Ang paglabag dito ay magdudulot ng kapahamakan. Sa ganitong kondisyong pangkasaysayan nabuo ang paniniwala sa tiyanak.


Hindi lamang bahagi ng mitolohiya ang tiyanak, bahagi na rin ito ng kulturang popular.


Sa katunayan, ilang pelikulang Filipino na ang nagtampok sa tiyanak gaya ng Tianak (1953), Tiyanak (1988), Juan Tanga, Super Naman, at ang Kambal na Tiyanak (1990), at Tiyanaks (2007).


Maging sa napakasikat na online na larong Ragnarok ay itinatanghal na rin ang mga mitolohikong karakter ng Filipinas gaya ng tiyanak.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: