Lamang-lupa ang pangkalahatang tawag sa mga nilalang na nakatira sa ilalim ng lupa.


Kung minsan, ito rin ang tawag sa mga espiritu ng bundok at ilang bahagi ng kapatagan lalo na ang mga punso. Sinasabing ang mga lamang-lupa ang nagmamay-ari ng lupa at ng kailaliman nito. Mayroon silang itsurang maliit tulad ng duwende at hindi nakikita ng karaniwang tao.


Sa mitolohiyang Filipino, ang mga lamang-lupa ay nabibilang sa mga diyos sa kailaliman ng lupa, at kung gayon, ilang piling nilalang lamang ang nakakakita sa kanila.


Sa larangan ng kuwentong-bayan, ang pag-aaral sa mga lamang-lupa ay nakapaloob sa tinatawag na demonology. Kabilang din sa disiplinang ito ang pag-aaral sa mga aswang at iba pang maligno sa mitolohiyang Filipino.


Ayon pa sa ilang paniniwala, hindi nananakit ang mga lamang-lupa hangga’t hindi sila ginagambala o sinisira ang kanilang mga tahanan.


Kailangan din silang bigyan ng paggalang. Halimbawa, kapag daraan sa ipinapalagay na malalaking punso na tinatahanan ng mga nuno, nagpapasintabi ang taong dumaraan sa pagsasabing “Tabi-tabi po.”


Kailangan din diumanong bigyan ng alay o atang ang mga lamang-lupa sa panahon ng taniman at anihan upang hindi nito paglaruan ang mga pananim.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: