Isang katutubong uri ng aswang ang manananggal. Karaniwang ilarawan ito na isang magandang babae na naihihiwalay ang pang-itaas na bahagi ng katawan hanggang baywang upang lumipad at naiiwan ang pang-ibabâng bahagi ng katawan sa lupa.


Sinasabi rin na gumagalà sa himpapawid ang manananggál kapag kabilugan ng buwan at ang hinahanap na biktima ay buntis. Naaamoy nitó kahit napakalayò ang sanggol sa sinapupunan ng isang nagdadalang-tao.


Alinsunod sa mga kuwento, umaaligid muna sa tahanan ng buntis ang manananggál. Mapapansin ito kapag nakarinig ng tunog na “Wak! Wak!” Na sinasabi ring huni ng tila paniki nitóng alaga, at kayâ tinatawag ang alaga na “wakwák.”


Kapag natiyak na natutulog nang mahimbing ang mag-anak sa bibiktimahing tahanan ay lumalapag ang manananggál sa bubong. Gumagawa ito ng butas sa bubong upang silipin ang buntis at upang doon ihulog ang dila nitó na nagiging tila isang mahabàng sinulid.


Sinasabing sumusuot ang sinulid sa púsod ng buntis at sinisipsip ng manananggál ang fetus. Kung minsan, sinusungkit nitó pati atay at puso ng biktima.


Kailangang makabalik ang manananggál sa kalahating katawan bago mag-umaga dahil malulusaw ito sa sinag ng araw. Sinasabi rin na hindi naman maibabalik ang lumilipad na bahagi kapag binudburan ng asin o binuhusan sukà ang pang-ibabâng bahagi.


Malimit na naiiwang patayô ang pang-ibabâng bahagi sa gitna ng sagingan. Mahirap itong makita dahil mukhang pinutol na punò ng saging lámang.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: