Aswang
Pinaniniwalaan sa iba’t ibang lugar at bayan, ang aswang ay isang lalang na bahagi ng kuwentong-bayan ng Pilipinas. May kakayahan itong makapagpalit ng anyo, nakalilipad, at nahahati ang sariling katawan.
Sinasabing nagnanakaw ito at kumakain ng bangkay lalo na ang puso at atay ng tao. Ang ninakaw na katawan ay hinahalinhan ng katawan ng puno ng saging.
May aswang ding tinatawag na mandurugo o yaong parang bampirang sumisipsip ng sariwang dugo ng tao. Kabilang rin sa uri nito ang mga manananggal at wakwak o kawakwak na nahahati ang katawan at lumilipad. Naiiwan ang baywang nito at paa at lumilipad ang ulo at katawan upang maghanap ng mabibiktima.
Pinansin ng mga kronistang Espanyol na ang aswang ang pinakakinatatakutang lalang ng mga katutubong Filipino kahit pa noong siglo 16. Laganap sa buong Filipinas ang paniniwala rito maliban sa rehiyong Ilocos.
Ang katangian ng aswang at mga kakabit na salaysay tungkol dito ay nagkakaiba-iba sa bawat rehiyon. Gayunman, may matutukoy na ilang palagiang katangian. Nagbabago-bago ang hitsura ng mga aswang. Sila ay namumuhay bilang karaniwang tao, tahimik, mahiyain at palaiwas sa tao.
Sa gabi, nagbabago sila ng anyo—nagiging pusa, baboy, ibon, o aso. Gustong-gusto nilang kumain ng mga sanggol sa sinapupunan o mga batang paslit. Napahahaba nila ang kanilang dila na ginagamit nila sa pagsipsip ng sanggol sa sinapupunan ng ina. Mayroon ding mapupulang mata ang mga aswang na dulot ng pagkapuyat nila sa paghahanap ng makakain sa gabi.
Madalas, kapag may hindi maipaliwanag na pangyayari sa komunidad, ginagawang dahilan ang mga aswang. Halimbawa nitó ang mga nakawan sa mga libingan, pagkawala ng mga bata, di-maipaliwanag na mga ingay, o mga taong may kakaibang galaw o gawi.
Pinakalaganap sa Kabisayaan, lalo na sa Capiz, ang mga kuwento tungkol sa aswang. Sa katunayan, noong 2004, pinasimulan sa Capiz ang Aswang Festival bilang pantumbas sa Halloween. Tinuligsa ang pistang ito ng simbahang Katoliko kaya itinigil ito ng lokal na pamahalaan noong 2007.
Sa kulturang popular, marami nang pelikula, programa sa telebisyon, at komiks ang nagtampok sa aswang bilang tauhan.
Sa ilang bahagi ng Kabisayaan, ang aswang ay tinatawag na tamawo, tumao, kama-kama, at sok-sok. Ang ilan sa mga ito ay nag-aanyong hayop tulad ng tiyu-an na isang baboy, at tik-tik at silik-silik na isang uri naman ng ibon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Aswang "