Ang Unang Pagbibinyag sa Pilipinas
Ang Unang Pagbibinyag sa Pilipinas at Ang Pagtatayo ng Krus sa Cebu | @socsciclopedia
Ang Unang Pagbibinyag sa Pilipinas at Ang Pagtatayo ng Krus sa Cebu
April 14, 1521
Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang sa Quincentenary ng pagdating nina Fernando Magallanes, ginugunita naman sa araw na ito ang pagsasagawa ng kauna-unahang Misa sa lalawigan ng Cebu, at ang kauna-unahang seremonya ng pagbibinyag sa bagong pananampalatayang Kristyano. Bawat detalye ng nangyari sa Cebu ay dokumentado ng mananalaysay na si Antonio Pigafetta.
Gaya din ng nangyari sa isla ng Limasawa, nangyari din sa dalampasigan ang kauna-unahang Misa sa Cebu na pinangunahan ulit ni Padre Pedro de Valderrama, na dinaluhan ng daan-daang mga katutubo doon sa pamumuno ni Raha Humabon. Pero hindi lamang natapos sa Misa ang pagpapakilala nina Magallanes sa panibagong uri ng relihiyon, dahil pagkatapos ng Misa ay nangyari naman ang kauna-unahang pagbabautismo sa Kristanismo ng nasa 800 katutubo, kasama si Raha Humabon at ang kanyan asawa, na isinagawa ni Padre de Valderrama. Ang mga naturang 800 katutubo ang mga kauna-unahang binyagang Katoliko sa Filipinas. Bilang tanda bg pagyakap sa Kristyanismo, pinangalanang Carlos si Raha Humabon, samantalang Juana ang ipinangalan sa asawa niya, sunod sa pangalan ng inang reyna ni Haring Carlos I ng Espanya. Kasabay nito, isang regalo ang ibinigay ni Fernando Magallanes sa asawa ng Raha; isang imahen ng batang Hesus, na sinasabing maluha-luha pang tinaggap ni Juana. Ang pagpapabautismo nina Raha Humabon ay bilang kapalit na rin sa mabuting pakikitungong ipinakita nina Magallanes sa kanila.
Bilang pagtatapos ng seremonya, isang malaking kahoy na krus ang itinayo sa isang burol na tanaw na tanaw ang kabuuang dalampasigan ng Cebu, para makita ng marami. Sa pagtatayo ng krus na ito at ang sama-samang pagbabautismo ng mga katutubo sa Katolisismo ay naging hudyat na ito ng pagsilang ng relihiyong Kristyanismo sa Filipinas. (...)
Ang orihinal na kahoy na krus na ito ay sinasabing preserbado pa, na nakatago sa ilalim ng isang mas malaking kahoy na krus, na pinangalanang "Krus ni Magellan", na nasa loob ng isang kiosk na itinayo noon pang 1834. Samantalang ang orihinal na imahen ng batang Hesus ay nakapreserba sa simbaham ng Basilica Minore del Sto. Nino. Parehong matatagpuan ang mga bakas ng kasaysayang ito sa lungsod ng Cebu, na nagbibigay-buhay sa industriya ng turismo at naging tanglaw ng relihiyong Kristyanismo sa ating bansa.
Sanggunian:
• The Kahimyang Project
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1070/today-in-philippine-history-april-14-1521-magellan-erected-a-wooden-cross-on-the-shores-of-cebu
No Comment to " Ang Unang Pagbibinyag sa Pilipinas "