Ano ang amugis?

Ang amugís (Koordersiodendron pinnatum) ay malaking laging-lungting punongkahoy na 25 m ang taas, may mga dahong nakahanay sa magkabilang gilid ng tangkay, mga bulaklak na putî hanggang madilaw-dilaw na lungtian, mga bungang maliliit, madidilaw, at mapipintog, at katutubo sa Pilipinas.


Ang pangalang siyentipiko nito ay nangunguhulugang malabalahibo sa Latin at tumutukoy sa itsura ng mga dahon nito. Nabibilang ito sa pamilyang Anacardiaceae na mayroong bungang nababalot ang mga buto gaya ng kasoy at mangga.


Ang propagasyon nito ay sa pamamagitan ng buto.


Ginagamit ang exudates nito sa medisina. Ang balat ay pinaniniwalaang maaaring gawing gamot. Ang kahoy nito ay mainam na sangkap para sa konstruksiyon, paggawa ng sahig, aparador, at iba pang muwebles.


Matatagpuan ito sa mga kagubatang hindi pa nagagalaw na may taas na 500 m hanggang 800 m. Matatagpuan ang mga amugis sa halos lahat ng isla at probinsiya ng Filipinas bagaman hindi sa maraming bilang; at sa mga karatig isla ng Borneo, Celebes, Moluccas, at Kanlurang New Guinea.


Sa Pilipinas, tinatawag din itong

  • bangkalari, 
  • bangkasi, 
  • dangila, 
  • gagil, 
  • karogkog, 
  • sambulawan, 
  • uris, at 
  • urisan. 


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: