Vicente Alvarez
Matagumpay na pinuno ng Himagsikang Filipino sa Zamboanga, isinilang si Vicente Alvarez (Vi·sén·te Al·va·réz) noong 5 Abril 1862 kina Alejo Villasis Alvarez at Isidora Solis.
Dahil malapit ang ama niya kay Gobernador Heneral Ramon Blanco ay ginawa siya nitong segundo oficial mayor sa Malacañang. Malimit siyang magbiyahe sa Mindanao at Sulu kaya naging kaibigan siya sa mga katutubo doon. Ngunit sanhi din ito ng nasaksihan niyáng pagmamalabis ng mga Espanyol sa mga katutubo, bukod sa mababang trato sa mga Muslim.
Sumapi siya sa Katipunan at nagtatag ng sangay nito sa Zamboanga. Dahil sa pagsiklab ng Himagsikang 1896 ay hinatak ang mga puwersang Espanyol mulang Zamboanga upang idestino sa Luzon.
Sinamantala ni Alvarez ang nabawasang puwersang Espanyol at sinimulan ang pag-aalsa sa Zamboanga noong Marso 1898. Nakuha niya ang buong peninsula maliban sa mabigat na tanggulan ng daungan ng Lungsod Zamboanga at Fuerza Pilar. Dahil sa kaniyang tagumpay, hinirang siya ni Pangulong Aguinaldo na lider ng gobyerno sa Zamboanga at Basilan.
Pinakamalaking tagumpay niya ang pagbihag sa 13 bapor pandigma ng mga Espanyol noong 7 Abril 1898. Bahagi ang mga bapor ng plota ni Almirante Patricio Montojo na nakahimpil sa Kipot Basilan.
Sa tulong ng dilim, pinangunahan ni Alvarez ang 100 manghihimagsik na lumusob sa mga bapor, pinatay ang mga opisyal, at inilipat ang mga ito sa bayan ng Mercedes. Noong 4 Mayo 1899, kinubkob ng hukbo ni Alvarez ang buong daungan at kuta ng Zamboanga at kinuha ito pagkaraan ng madugong labanan. Dahil dito, iginawad sa kaniya ni Aguinaldo ang ranggong heneral.
Noong 1900, inalok siya ng mga Amerikano ng Php75,000 para sumuko. Tinanggihan niya ang alok. Nabihag siya sa kabundukan ng Oroquieta, Misamis Oriental noong Marso 1900, dinala sa Maynila, at ipiniit hanggang sumumpa ng katapatan sa Estados Unidos noong 2 Agosto 1901.
Minahalaga ng mga Amerikano ang kaniyang karanasan kaya binigyan siya ng posisyon sa pamamahala ng Moro Province. Noong 20 Oktubre 1904, naging opisyal siya sa Konstabularya ng Filipinas. Namatay siya sa panahon ng Hapon noong 4 Nobyembre 1943 sa gulang na 81 taon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Vicente Alvarez "