Ano ang ibig sabihin ng amnestiya?


Ang amnestiya, mula sa Espanyol na amnestia, ay ganap na pagpapatawad o paggagawad ng kapatawarang may kondisyon sa mga maysala sa pamahalaan.


Mula ito sa salitang Griyego na amnasthia, ibig sabihin ay kalimutan, na pinagmulan din ng salitang amnesia. Ang unang naitalang amnestiya ay ang paggagawad ni Thrasybulus ng Athenas ng kapatawaran sa Tatlumpung Tirano matapos magwagi ang kaniyang kampanya laban sa pamahalaang oligarko na ipinatupad ng pananakop ng Sparta.


Iginagawad ito ng pamahalaan sa mga maysala kapag ang magiging pagsunod nila sa batas ay pinaniniwalaang mas matimbang kaysa pagpaparusa sa kanila.


Ang ilan sa mga benipisyo ng amnestiya ay ang pag-iwas sa paggastos nang mahal para sa proseso ng gaganaping paglilitis; paghikayat sa mga maysala na sumuko sa halip na tumakas sa awtoridad; at paglikha ng pagkakataong maiayos ang gusot ng mga maysala at ng pamahalaan.


Sa kabilang dako, pinupuna ito dahil nasasakripisyo ang pagpapairal ng hustisya laban sa nagkasala.


Sa kasaysayan ng Pilipinas, nasasaad mula sa Konstitusyong Malolos hanggang sa kasalukuyang saligang-batas ang kapangyarihan ng pamahalaang Filipino na magbigay ng amnestiya.


Nawala ito noong panahon ng kolonyalismong Amerikano. Sa ilalim ng mga Amerikano, naganap ang unang amnestiya na iginawad ni dating Pangulong Theodore Roosevelt noong 1902 sa mga Filipinong naging bahagi ng rebolusyon.


Inilipat naman ang kapangyarihan ng amnestiya sa kamay ng Gobernador Heneral ng Pilipinas sa ilalim ng Batas Jones noong 1916.


Sa 1935 Konstitusyon, ibinalik ang naturang kapangyarihan sa ehekutibo at lehislatibong sangay ng gobyerno.


Sa kasalukuyang 1987 Konstitusyon, magkakaroon lamang ng kapangyarihan ang pangulo na magbigay ng amnestiya kapag sinangayunan ito ng mayorya sa Kongreso.


Ang amnestiya ay iginawad ng pamahalaang Filipino sa mga gerilya, miyembro ng HUKBALAHAP, at pinaniniwalaang collaborator noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig; kay Francisco Medrano kasama ng iba pang nag-alsa sa Batangas nang matalo si Jose Laurel kay Elpidio Quirino sa pagkapangulo noong 1949; at sa mga rebeldeng Muslim, komunista, at destiyerong politikal mula sa panahon ng Martial Law hanggang sa kasalukuyan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr