Ano ang LRT?
Halos buong kahabaan ng mga daambakal ay nakaangat sa lupa, at ganoon din ang 33 himpilan ng LRT, maliban sa isa na nasa ilalim ng lupa. Mahigit sa kalahating milyong pasahero ang nakikinabang sa LRT araw-araw bilang mura at mabilis na paraan ng pagkomyut sa lungsod.
Binuksan ang unang linya ng Manila Light Rail Transit System sa publiko noong 1984. Inabot ng halos dalawang dekada bago buksan ang ikalawang linya noong 2003.
Sa kasalukuyan, tinatahak ng LRT-1 (dati ring kilala bilang Metrorail) ang rutang Baclaran-North Avenue at sumusunod sa mga pangunahing lansangan na Taft Avenue, Rizal Avenue, at EDSA. Tinatahak naman ng LRT-2 (dati ring kilalá bilang Megatren) ang rutang Recto-Santolan, at ginagabayan ng Recto Avenue, Legarda Avenue, Ramon Magsaysay Boulevard, Aurora Boulevard, at Marikina-Infanta Highway.
Tumatawid ang mga tren sa Ilog Pasig at Ilog Marikina. May mga himpilan din na maaaring gamitin sa paglipat, sa pamamagitan ng mga tulay o karugtong na gusali, ng mga pasahero sa mga tren ng MRT at PNR.
May mga planong dugtungan ang LRT upang mapaglingkuran ang iba pang bahagi ng Kamaynilaan at mga karatig na lalawigan. Pinangangasiwaan ang LRT ng Light Rail Transit Authority, isang kompanyang pagmamay-ari at pinapatakbo ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, binubuo ang buong sistemang daambakal ng Filipinas ng LRT, MRT, at Philippine National Railways.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang LRT? "