patadyong

Ang patadyong ay isang uri ng katutubong sáya o piraso ng damit pang-ibabâ ng babae. Karaniwang parihabâ ito at isinusuot na tila nakabálot ang pang-ibabâng bahagi ng katawan hanggang kalahati ng binti samantalang ibinubuhol ang pang-itaas na mga dulong sulok sa baywang.


May saliksik si Norberto Romualdez (1925) na mula ito sa sinaunang patadlóg sa Kabisayaan gaya ng mahihiwatigan sa salitâng-ugat nitóng “tadlog” na nangangahulugang “tuwid.” Tila tinabas ito nang patuwid kapag suot ng babae. Isang ordinaryong pang-araw-araw na sáya ito ng mga babae noon at may pang-itaas na maluwag na kamísa.


Ang patadyong ay may pababago sa kulay at disenyo at padron. Gaya noong mga taóng 1920 na nausong terno ang kamísa na nilagyan ng mga borda sa dibdib at manggas at ginamitan ng mamahaling tela. Naging katerno ng naturang kamísa ang mahabà’t nakasayad sa sahig na sáya. Gayunman, may mga nagsuot ng kamísa na patadyóng ang katerno upang higit na magaang kumilos.


Ang “patadyong” o “patadjung” ay isang uri ng kasuotang ginagamit ng mga etnikong Muslim sa Mindanao, kabilang na ang mga Tausug. Ito ay kadalasang mayroong disenyong “okir” o “ukkil”. Ang “okir” ay nangangahulugang pag-ukit, paglilok, o paglalagay ng disenyo sa kahoy, metal, tela, at iba pa. Mayroong tatlong uri ng diseniyo ang “okir”.


Una ay ang “sumping”, o disenyong mala-bulaklak. Halimbawa nito ay ang “sumping kayupu”, o ang disenyo hango sa bulaklak ng lotus. Kinakatawan ng “sumping kayupu” ang kaalaman at kabanalan. Ikalawa ay ang “birdo”, o diseniyong mula sa halaman at puno. Inuugnay ang “birdo” sa fertility at kasaganaan. Ang ikatlo ay ang “hashas”, o disenyong hango sa mga hayop at maalamat na nilalang. Kabilang sa disenyo ng “hashas” ang ahas, buwaya, at ang dragon, na tinatawag ding “sarinaga”, “nayaga”, o “nagayoda”. Nagsisilbing simbolo ng tubig, lakas, at kapangyarihan ang “hashas”.


Lahat ng mga disenyong ito ay maaaring gamitin nang sabay-sabay o magkakasama. Mabubuo ang disenyong “lukis jinggang” sa pinagsamang “sumping” (bulaklak) at “birdo” (dahon at baging). Makikita ito sa patadyong na nasa larawan sa itaas. Iba’t-iba din ang mga kahulugan ng mga kulay nito para sa mga Tausug. Pinaniniwalaan nila ang “gaddung”, o luntian na nakapagtataboy ng masamang ispirito. Ang “keyat”, o pula naman ay simbolo ng mabuting kapalaran. Kalinisan at pagdadalamhati naman ang kahulugan ng kulay “pote”, o puti.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: