On
Ang gandingan ay makitid na gong at may mababaw ang umbok sa gitna. Ito ay apat na gong na nakasabit sa isang estanteng kuwadrado at kasama sa pagtugtog ng pangkat ng kulintang ng Magindanaw.


Kapag ginamit sa set ng instrumento, sumasaliw ito bilang ikalawang instrumentong melodiko sa kulintang na pangunahing instrumento. Karaniwang ang gong na may mababang tono ay nasa kaliwang bahagi habang ang may mataas na tono ay nasa kanang bahagi ng manunugtog.


Tradisyonal na ginagamit ang bronse sa paggawa ng gandingan, ngunit mas karaniwang ginagamit ang brass at iron. Maaari itong magsilbing komunikasyon ng Magindanaw sa pagpapadala ng mensahe o babala sa malalayong lugar.


Nakatayo sa likod ng gandingan ang manunugtog nito. Hawak niya ang dalawang balu na may balot na goma sa dulo at ipupukpok ito sa umbok sa gitna ng gandingan.


Mayroong iba’t ibang paraan ng pagtugtog ng gandingan. Sa mga pormal na presentasyon, ginagamit ang apat na gong habang sa mga impormal na okasyon, ginagamit ang tatlong gong na matataas ang tono. Sa mga paligsahan ng pagtugtog ng gandingan, mayroong dalawang katulong na magpapanatili ng gong sa lugar hábang walang humpay na hinahampas ito ng manunugtog upang ipakita ang kanilang husay sa instrumento.


Hindi tiyak ang pinagmulan ng salitang “gandingan” ngunit lumabas ito sa mga epikong-bayan at kuwentbong-bayan ng Magindanaw.


Sa isang kuwento, ang Malailai Gandingan ay lugar ng makapangyarihang sultan. Sa isang epikong-bayan, ang Raha sa Madaya, Gandingan ang pangalan ng lugar tinitirahan ng mga palabang datu na nagtangkang dukutin ang prinsesa ng Madaya. Lumabas din ito bilang instrumento sa epikongbayang Diwatakasalipan. Sa epiko, ginamit ng prinsesang si Tintingan na Bulawan ang gandingan upang ipaalam sa kapatid na si Initulon na Gambal ang tungkol sa bayaning prinsipe na si Diwatakasalipan na naghahanap ng asawa. Dahil dito, napaghandaan ni Initulon na Gambal ang pag-aliw sa bayaning prinsipe gamit ang kulintang.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: