Sinulog
Karaniwang tumatagal ang pista sa loob ng siyam na araw at nagsusukdol sa Sinulog Grand Parade, isang mahaba, makulay, at maingay na sayaw-lansangan na nilalahukan ng mga pangkat na may sari-saring makukulay na kasuotan at sumasayaw sa tugtog ng tambol.
Sa bisperas, isang prusisyon sa tubig ang ginaganap mulang Lungsod Mandaue hanggang Lungsod Cebu, tampok ang Santo Niño na nakasakay sa pump boat at naliligid ng kandila’t bulaklak, at nagwawakas sa Basilica upang idaos doon ang muling-pagtatanghal ng Kristiyanisasyon ng Cebu.
Sa Linggo ng kapistahan, isang misang pontipiko ang idinadaos ng Kardinal katulong ang ilang obispo sa Basilica bago ganapin ang malaking parada.
Nagmula ang “sinulog” sa Sebwanong “sulog” at nangangahulugang kilos na tulad ng daloy ng tubig. Ang bagay na ito ang inilalarawan ng dalawang hakbang pasulong at isang hakbang paurong na pagsasayaw ng mga kalahok sa malaking parade sa lansangan sa saliw ng tambol. Ang sayaw-lansangan ay isa na ngayong malaking paligsahang pangkultura ng mga pangkat mula sa ibang bayan at lalawigan.
Ginugunita sa Sinulog ang dalawang pangyayari sa kasaysayan. Una, ang pagdating ni Hernando Magallanes sa Cebu noong 1521 na sanhi ng pagtatanim ng krus sa dalampasigan, pagbibinyag sa mag-asawang Raha Humabon at 800 katutubo, at paghahandog ng imahen ng Santo Niño sa asawa ni Humabon. Ikalawa, ang pagdating ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1565 sa Cebu at pagkatuklas sa imahen ng Santo Niño sa piling ng nasunog na pamayanan ni Raha Tupas. Ipinahayag ng mga misyonerong Agustino at kasama ni Legazpi na mapaghimala ang Santo Niño.
Nagsimula ang pista noong 1980 nang igayak ang mga estudyante na sumayaw sa tugtog ng tambol. Gayunman, luminaw ang konsepto ng Sinulog noong 1981 at ituon ang pagdiriwang sa ritmo ng sayaw upang maiba ito sa Ati-Atihan ng Aklan. Sinasabing ang sayaw ay nag-uugnay sa sinauna at katutubong ritwal at sa Kristiyanismo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Sinulog "