On
Ang Organong Kawayan ng Las Piñas o Las Piñas Bamboo Organ ay idineklara ng Museong Pambansa ng Filipinas bilang Pambansang Kayamanang Pangkultura noong 11 Marso 2004.


Sinimulang buuin ito habang ginagawa ang simbahan ng Las Piñas sa pagitan ng 1816 hanggang 1821. Itinanghal din ang obrang ito ni Padre Diego Cera bilang kaunaunahang organo sa buong mundo na yari sa kawayan (85 porsiyento ang kawayan at 15 porsiyento ang bakal).


Gumamit din si Padre Cera ng naga, kamagong, at mulawin bilang kahon at para sa pagbuo ng mekanismo at suporta ng instrumento. May kabuuan itong 1,031 túbo, bagaman hindi lahat ay tumutunog, at 129 sa mga ito ay gawa sa metal. Ang mga tubong nangangailangan ng tunog ng trumpeta ngunit hindi kayang gawin ng kawayan ay ginamitan ng metal na may taginting at tunog ng trumpeta.


Nahirapan si Padre Cera sa paggamit ng kawayan. Para tumibay ang kawayan, mahigit isang taon niyang ibinabaón sa buhanginan sa pampang ng dagat ang mga kawayang napili.


Maraming pinagdaanang kalamidad ang organo. Sa lindol noong 1829, bumagsak ang bubong ng simbahan ng Las Piñas at nabasa ng ulang ang instrumento. Noong 1863, dahil sa malakas na lindol, labindalawang túbo nitó ang nasira at kalahati nitó ay hindi na maaaring komponehin. Noong 1863 at 1872, pinalitan ang mga nasirang túbo ng organo. Noong 1880, pumutok ang Bulkang Taal at kasámang niyanig ang simbahan ng Las Piñas. Isang malakas na bagyo ang bumayo sa Kamaynilaan noong 1882 at muling nadamay ang organo.


Ang isa sa mga malakihang pagsisikap na isaaayos ang organo ay nangyari noong 1973 hanggang 1975. Dinala ito sa Germany noon, sa gawaang Klais Orgel-bau sa siyudad ng Bonn. Ang pagbabalik sa Filipinas ng organo ay naging malaking pagdiriwang bilang pagbabalik ng makasaysayang artifact ng bansa. Naging sentro ito ng taunang pagdiriwang na tinatawag na International Bamboo Organ Festival. Dito, dumadalo ang mga tanyag na organista mula sa iba’t ibang panig ng mundo, gayundin ng iba pang lokal na musiko upang magtanghal ng mga likhang ginagamitan ng organo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: