Ano ang todos los santos?

Ang Todos Los Santos ( All Saints’ Day sa Ingles) ay pagdiriwang tuwing unang araw ng Nobyembre sa Pilipinas upang gunitain ng mga buhay ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.


Tinatawag din itong Undas at sa salin na Araw ng mga Patay. Bisperas sa lamang ay dagsa ang mga tao sa sementeryo upang maglinis ng mga libingan o puntod.


Sa naturang araw, tigib ang sementeryo sa mga nag-aalay ng bulaklak, nagtutulos ng kandila, at nagdarasal para sa mga kaluluwa ng kanilang kamag-anak. Binabantayan ang mga puntod maghapon at hanggang gabi. Nagiging okasyon din ito para sa reunyon ng magkakamag-anak.


Isang kaugalian para sa panahong ito ang pangangaluluwa. Sa mga gabi bago ang Undas, may mga grupo na tumatapat sa mga tahanan at humihingi ng limos. Nagkukunwa siláng mga kaluluwang naligaw mula sa langit at nanghihingi ng awa, gaya sa ganitong karaniwang dalit nila:


Kaluluwa kaming tambing


Sa Purgatoryo nanggáling


Doon po ang gawa namin


Araw-gabi’y manalangin.


Kung kami po’y lilimusan


Dalî-daliin mo lámang


Bakâ kami mapagsarhan


Ng pinto sa kalangitan.



May mga saragate na ninanakaw ang manok ng bahay na ayaw magbigay ng limos.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: