On
dalit

Sangayon kay Fray Gaspar de San Agustin (1703), ang dalit ang isa sa dalawang pinakapopular na anyo ng matulaing pahayag sa buong Katagalugan. Ang isa pa ay ang “talingdáw” na isa diumanong tulang dramatiko at inaawit nang sagutan. Ngunit sa dalít “ipinahahayag ng mga Tagalog ang kanilang matatayog na kaisipan at mabibigat na damdamin.” Sa pamamagitan ng mga halimbawa ni San Agustin at ibang dokumento ay lilitaw na may isang tiyak na anyo ang dalít. Isang tula ito na maaaring mabuo sa isang saknong, gaya ng “tanága” at “diyóna,” at binubuo ng apat na taludtod na may sukat na wawaluhin ang bawat taludtod. Narito ang isang mapagpatawang dalít noon:


Isda akong gagasapsap,

Gagataliptip kalapad,

Kaya nakikipagpusag,

Ang kalaguyo’y apahap.


Totoong popular ang dalít dahil nakasulat sa anyong ito ang mga unang nalathalang tula sa panahon ng mga Español. Isang mahusay na makatang misyonero, si Fray Pedro de Herrera, ang naglathala ng isang koleksiyon ng tula noong 1645 at tinawag niyang mga “dalit” ang 185


saknong na mga tula tungkol sa kamatayan at pag-akyat sa Langit. Marami sa mga patulang awit na panrelihiyon ang gumamit ng saknungang dalít, gaya ng “Panunuluyan” kung Pasko at “Pangangaluluwa” kung Todos los Santos. Ang awit sa “huwégo de prénda” kung lamayan ay gu-magamit ng anyong dalít, gaya sa sumusunod na koro:


Sa Diyos natin ialay Kaluluwa ng namatay; Patawari’t kaawaan

Sa nagawang kasalanan.


Ito rin ang anyo ng saknong na ginamit sa pasalaysay na “korído.” Sa kasamaang palad, pagdating ng ika-19 siglo, higit na naging popular ang naturalisadong sukat na lalabindalawahin na ginamit sa pasalaysay na awít, gaya sa Florante at Laura ni Balagtas. Bihira na ang gumamit ng anyong dalít sa mga makata ng ika-20 siglo. (VSA)


Pinagmulan:https://www.facebook.com/NCCAOfficial/


Mungkahing Basahin: