Ano ang ambahan?


Nabanggit ni Fray Ignacio Francico Alcina (1668) ang ambahan bilang isa sa mga sinaunang anyo ng pagtula ng mga Bisaya. Walang dagdag na impormasyon si Alcina. Ngunit naging popular ngayon ang ambahan dahil kay Antoon Postma at sa kaniyang saliksik sa buhay at kultura ng Hanunoo Mangyan sa Mindoro.


Naglabas pa ng isang aklat na koleksiyon ng mga tulang Mangyan si Postma (muling nalathala 1981). Alinsunod sa paliwanag at mga halimbawang tula, ang ambahan ay isang katutubong anyo ng pagtula ng mga Hanunoo Mangyan at may sukat na pipituhin ang bawat taludtod.


Regular ding may tugma ang bawat dalawang magkasunod na taludtod, bagaman walang tiyak na bilang ng taludtod ang bawat magkakatugmang mga taludtod. Wala ding tiyak na bilang ng mga taludtod. May ambahang tatlo lamang taludtod ngunit may ambahang umaabot sa 20 taludtod.


Binibigkas/inaawit ang tula para sa isang okasyon, mula sa ganitong halimbawa sa mapagbirong pag-aalaga ng bata:


Kaw danga maglumi Huwag ka ngang umiyak


Kita madnugan kuti Bakâ magising ang pusa


Kuti gin sa siyangi Pusang mula pa sa siyangi


Mag-ingaw magyangyangi Ngumiyaw at mag-ingay


Kita ud may ibawi Wala kitang pambugaw


Kantam bangkaw nabari Sibat natin ay nabali


Kita utak nalumbi. Itak natin ay nabingaw.


Hanggang pangingibig, pagtatrabaho, at paglalarawan ng kanilang daigdig. Hitik ito sa talinghaga, gaya ng sumusunod:


Tigday na nawa naw-an Ang tabak kung bago pa


Tigdayan sa daramgan Ikiskis sa hasaan


Bag-o tigday sa kaywan Itaga sa kakahuyan


Siyan nga panmanlangan At saka ito subukan


Sa kiling sa kawayan. Sa pagkayas ng kawayan.


Tula ito hinggil sa edukasyon ng kabataan. Inihambing sa tabak ang mga karanasang kailangang matutuhan at pagdaanan ng kabataan upang higit na maging kapaki-pakinabang sa lipunan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: