Inihatid si Jose Rizal pabalik ng Pilipinas mula sa Montjuich Castle


Sa araw na ito, Oktubre 6, noong 1896, naglayag paalis sa Espanya ang ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal, nang inihatid siya ng barkong SS Colon pabalik sa Maynila.


Nakulong si Dr. Rizal sa isang malaking kuta sa lungsod ng Barcelona, Espanya na Montjuich Castle, kung saan ang kanyang naging warden ay ang dating Gobernador Heneral ng Pilipinas na nag-utos ng pagpapatapon sa kanya sa Dapitan, si Eulogio Despujol.


Nang mabigyang permiso si Dr. Rizal ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco na makapunta ng Cuba para magsilbing doktor para sa hukbong Espanyol, naglayag si Dr. Rizal paalis ng Maynila sakay ng barkong Isla del Panay noong ika-6 ng Setyembre sa parehong taon, habang may nagaganap na rebolusyon sa Maynila.


Bago pa man nito, pumuslit sa barko ang ilang mga Katipunero para itakas si Dr. Rizal, pero iginiit ulit niya ang kanyang paninindigang hindi siya sasama sa rebolusyon. Kampante naman si Dr. Rizal na makakarating siya sa Cuba, nang may basbas at gabay mula kay Gobernador-Heneral Blanco, pero habang nasa laot sa Malta, inutos ng kapitan ng barkong Isla del Panay ang pagdakip kay Dr. Rizal noong huling araw ng Setyembre. Ika-3 ng Oktubre nang nakarating ang Isla del Panay sa Barcelona kung saan siya nabilanggo nang tatlong araw.


Mula sa Barcelona, ihahatid si Dr. Rizal sa Maynila para harapin ang mga ibinibintang sa kanyang mga akusasyon kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa malawakang rebolusyon laban sa Espanya.


Sanggunian:
• Slideshare (2015, June 21). Chapter 23, last trip abroad (1896). https://www.slideshare.net/leahamper29/rizal-chapter-23
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, October e6, 1896, Rizal was taken from Montjuich castle to a ship to sail back to Manila https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1296/today-in-philippine-history-october-6-1896-rizal-was-taken-from-montjuich-castle-to-a-ship-to-sail-back-to-manila


Mungkahing Basahin: