Ang Huling Paalam ni Jose Rizal
Ginugol ni Dr. Jose Rizal ang ilan sa kanyang mga nalalabing oras sa pagsusulat ng mga liham para sa kanyang mga mahal sa buhay. Sinulat din niya ang kanyang huling tula na pinamagatang “Mi Ultimo Adios”.
Alam mo ba na ang nasabing tula ay orihinal na walang pamagat? Ang pamagat na “Mi Ultimo Adios” ay unang ibinigay lamang ni Padre Mariano Dacanay.
Ipinahayag sa nasabing tula ni Rizal ang kanyang pamamaalam sa kanyang bayang tinubuan. Inilarawan din niya dito ang mga katangian ng isang ulirang anak, maunawaing kapatid, masidhing mangingibig, at matapat na kaibigan. Ipinahayag niya rin dito ang kanyang kahandaan na ibuwis ang kanyang buhay para sa ating bayan.
Narito ang kabuuan ng tula na nasusulat sa wikang Kastila, at ang salin nito sa wikang Filipino na isinalin ni G. Elias Avenido, Content Contributor for History ng SocSciclopedia.
Paalam, Bayan kong hinirang ng araw
Perlas ng Silangan, naglahong Paraiso
Lugod kong iaalay ang buhay kong lanta
Ito ma’y makulay, sa ‘yong ikagagaling
Sila’y nagbuwis sa ‘yo ng buhay sa laban
Takot ay di hadlang , saan man ginanap
Sa laban man, o sa berdugo nakitlan
Ito ma’y kung hingin ng Bayang Tahanan
Ako’y papanaw sa pagsikat ng araw
Masdan, taglay niyang kinang, pagtapos ng dilim
Dugo ko’y isaboy sa liwanag na salat
Nang mapag-ibayo ang kulay niya’t sigla
Sa ‘king pagkabata, hanggang magbinata
Hangarin ko’y siya pa ring hangad
Makita ang dilag, Hiyas ng Silangan
Nang may rikit, at wala nang tangang luksa
Mithi ng buhay ko’y may nasang magningas
Mabuhay! Hiyaw ng diwang paalpas na
Makitil ma’y giliw ko, matanghal ka lang
At mahimlay sa ‘yong piling magpakailanman
Kung sa libingan ko’y mapadaan ka man
Na tiwangwang, madamo’t may ‘sang bulaklak
Ako’y yapusin ng kalinga mo’t aruga
Sa ilalim nitong malamig na lupa
Hayaang ang sinag ng araw at ang buwan
At ihip ng hangi’y doon mangibabaw
Hayaang awitin ang imnong payapa
Kung may ibong dumapo sa krus ng himlayan
Hayaang isingaw ng init ang hamog
Kasama ang hinagpis na ‘king dalahin
Hayaang may tumagis do’n sa aking sinapit
Idalangin mo, ako’y mapiling na sa Diyos
Idalangin mo, yaong mga binusabos
Mga naulila at inang nabalo
Mga piniit, inusig at sa ‘yo rin
Idalangin mo na paglaya mo’y makamit
Kung libingan ko’y nabalot na ng dilim
Huwag magambala ang taglay niyang hiwaga
Doon ma’y isang himig ang iyong maririnig
O Bayan ko, ika’y aawitan ko rin
Kung limot na’t walang bakas ang libingan ko
Hayaang bungkalin na ito’t hukayin
At ang aking labi’y ikalat sa lupa mo
Nang doon, sila’y lubos nang maglalaho
Walang anuman sa ‘kin kung akoy limutin
Kaulapan, kaburula’y aking lilibutin
Ako’y ilaw at huni sa mata’t pandinig
Pananalig na taglay, laging uulitin
Bayan kong hirang, kirot mo’y siyang aking kirot
Sintang Filipinas, akin nang iiwan
Paalam ko’y dinggin, at ako’y tutungo
Kung saan kapayapaan at Diyos ang hari!
Paalam, mga kapatid ko’t kabata
Salamat, at pagkahapo ko’y natapos na
Paalam, kabiyak ko’t mga ginigiliw
Ang mamatay ay aking pamamahinga!
Pinagmulan: @socsciclopedia (Instagram)
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang Huling Paalam ni Jose Rizal "