Isa sa mga naging kasapi ng Kilusang Repormista na nagsusulong ng repormang pulitikal sa Pilipinas sa ilalim ng pananakop ng Espanya ay ang personalidad na hindi masyadong nababanggit sa ating kasaysayan, si Pedro Serrano Laktaw.


Ngayong araw, Oktubre 24 ang ika-168 taong kaarawan ni Pedro Serrano Laktaw, na ipinanganak noong 1853 sa bayan ng Cupang, Bulacan at anak nina Rosalio Laktaw, isang leksikograpo at manunulat, at si Juana Serrano.


Kumuha siya ng kursong edukasyon sa Escuela Normal Superior de Maestros sa Maynila, at nang magtapos ay nagsilbing guro sa bayan ng San Luis, Pampanga at naging principal sa isang paaralang munisipal sa Quiapo, Maynila.


Nang mapadpad sa Espanya ay sumapi siya sa Kilusang Repormista nina Marcelo H. Del Pilar, na kanya ring kababayan, at kasabay nito ay nakakuha siya ng titulong maestro superior sa Escuela Normal Superior sa Salamanca, at Maestro Normal sa Universidad Central de Madrid sa Espanya. Nabigyan rin ng pagkakataong maging private tutor ng batang hari ng Espanya na si Alfonso XIII, anak ng Reyna Rehente ng Espanya na si Maria Christina, ang natatanging Pilipinong naglingkod mismo sa Royal court ng Espanya.


Dinala rin ni Laktaw sa Pilipinas ang konsepto ng Freemasonry, at isa siya sa mga nagtatag ng mga unang Freemasonry sa Pilipinas, ang “Nilad” na binuo kasama ang ilustradong si Moises Salvador (isa sa 13 Martir ng Bagumbayan). Sumapi rin siya sa La Liga Filipina ni Dr. Jose Rizal, kung saan siya ang naging Kalihim nito.


Taong 1891 nang mabilanggo si Laktaw dahil sa pagsusulat ng mga subersibong polyeto at propagandang nagsusulong ng ganap na kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya, hanggang mabigyan ng pardon ni Gobernador Heneral Ramon Blanco. Sa ikalawang yugto ng rebolusyon ay nahanap niya sa pamahalaang rebolusyonaryo ni Heneral Emilio Aguinaldo ang kanyang lugar, nang maging isa sa mga manunulat sa peryodikong El Heraldo dela Revolucion.


Pluma at papel rin ang naging sandata niya para maipakita ang kanyang pagmamahal sa bayan sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, nang sumulat ng mga makabayang artikulo sa mga peryodikong Ang Bayan, Ang Kapatid ng Bayan at Kalayaan.


Taong 1914 nang inilathala ni Laktaw ang grammar at lexicon book na Diccionario Tagalo-Hispanico. Inilathala rin niya ang Estudios Gramaticales Sobre la Lengua, na nagbigay ng mas malalimang pag-aaral sa wikang Tagalog.


Pumanaw sa edad na 74 si Laktaw noong ika-22 ng Setyembre, 1928 dahil sa komplikasyong dulot ng intestinal ulcer. Naulila niya ang kanyang maybahay na si Roberta Buison at kanilang 13 anak.


Sanggunian:
• NCCA-PCEP (2017). Pedro Serrano y Laktaw. CulturEd Philippines. https://philippineculturaleducation.com.ph/serrano-y-laktaw-pedro/
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine hsitiry, October 24, 1853, Pedro Serrano Laktaw was born in Kupang, Bulacan. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/706/today-in-philippine-history-october-24-1853-pedro-serrano-laktaw-was-born-in-kupang-bulacan


Mungkahing Basahin: