Aves de Rapiña

Editoryal na lumabas sa El Renacimiento, pahayagan sa wikang Espanyol, noong 30 Oktubre 1908.

 

Sinulat ito ng pangalawang editor na si Fidel Reyes. Matinding tinuligsa sa editoryal ang isang mataas na pinuno ng pamahalaang kolonyal ng Amerika sa Filipinas, na pinasaringang “Aves de Rapiña” (Mga Ibong Mandaragit) dahil ginagalugad diumano ang kabundukan ng Benguet, Mindanao, at Mindoro upang tuklasin ang susi sa mga yamang likas ng bansa para sa pansariling pakinabang.


Wala mang binanggit na pangalan, tinamaan ang noo’y Kalihim ng Interior na si Dean C. Worcester. Nagsampa ito ng kasong libelo laban sa may-ari ng pahayagan na si Martin Ocampo, sa editor at pangalawang editor na sina Teodoro M. Kalaw at Fidel Reyes, at iba pang pinuno ng pahayagan (na inalis sa demanda nang lumaon).


Nanalo si Worcester at naparusahan ng pagmumulta at pagkabilanggo ang mga akusado.


Nasara ang pahayagan at naibenta ang imprenta nito; ngunit naghabol hanggang sa Korte Suprema ng Estados Unidos sina Ocampo, Kalaw, at Reyes.


Tumagal ang kaso hanggang 1914, ngunit hindi sila nabilanggo, dahil pinagkalooban sila ng lubusang kapatawaran ng naupong Gobernador Heneral Francis Burton Harrison.


Hindi napatunayan ang mga paratang kay Worcester. Ngunit pinatunayan sa kasong ito, minsan pa, kung paanong ginamit ng mga Filipino ang peryodismo para isulong ang adhikang makabansa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: