Naging bansag ang Pintados sa mga táong nakita ng mga Espanyol sa Kabisayaan sa kanilang pagdating noong 1668. Sa wikang Espanyol, ang pintados ay nangangahulugang mga may pinta dahil sa mga guhit sa katawan ng mga tao. Ang pagguhit ng makukulay at permanenteng disenyo sa katawan ay isang sinaunang sining sa Filipinas. Paglalagay ng tatô (mula sa Ingles na tattoo) ang karaniwang tawag ngayon. Sa Cordillera, tinatawag itong fatek. Gamit ang matatalas na bakal na pinainitan sa apoy, nagguguhit ng disenyo ang mga Pintados sa kanilang katawan para ipakita ang kanilang katayuan sa lipunan. Para sa mga lalaki, ang pinakamatapang na mandirigma ang may pinakamaraming disenyo mula ulo hanggang paa. Ang mga babae naman ay naglalagay din ng pintura sa kanilang mga kamay. Kaakibat sa prosesong ito ang iba pang ritwal ng pasasalamat para sa masaganang ani at tagumpay sa mga laban.

Ang tradisyong ito ay binuhay nang binuo ang Pintados Foundation, Inc. noong 1986. Ito ang nangasiwa sa unang Pista ng Pintados noong 1987 sa Leyte. Ipinagdiriwang ito tuwing buwan ng Hunyo sa Lungsod Tacloban bilang pag-alaala sa makulay at mayamang kasaysayan at kultura ng mga taga-Leyte at Samar. Ilan sa mahahalagang bahagi ng pista ang “Kasadyaan Festival of Festivals,” “Ritual Dance,” at “Pagrayhak’’ Grand Parade. Tuwing Pista ng Pintados, napupunô ang mga kalye sa mga mananayaw na balót sa pintura ang katawan katulad ng mga Pintados.


Bahagi rin ng isang buwang kasiyahan ang pagpupugay kay Señor Sto. Niño, patron ng mga taga-Tacloban at dating may kapistahan tuwing ikatlong Linggo ng Enero. Nagsimula ang mahabàng kasaysayan ng imahen noong 1888 nang nasunog ang sinasakyan nitóng barko pabalik ng Kabisayaan mulang Maynila. Nawala sa dagat ang imahen at kumalat naman ang sakit na kolera sa Tacloban. Sa gitna ng epidemya, nakatanggap ang gobernador ng Leyte ng sulat mula sa Mindoro na nagsasabing nakita niláng palutang-lutang sa dagat ang kahong kinalalagyan ng Sto. Niño na may kasámang mabibigat na kandelabra. Sa hápon ng 30 Hunyo 1889, dumating sa Tacloban ang barkong Consuelo lulan ang nawawalang imahen at siyáng naging bagong kapistahan ng bayan. Kasabay nitá ang biglang pagkawala ng epidemya sa bayan. Mula noon, naging araw na ng pasasalamat ang katapusan ng Hunyo.


Pinagmulan: NCCA Official via flickr