Halalan
Sa panahon ng Espanyol, limitado ang pakikilahok sa halalan sa kalalakihang edukado at may ari-arian; nilalahukan lamang ito ng mga principales at sila ring maaaring tumakbo bilang gobernadorcillo.
Ipinakilala ng mga Amerikano ang pagbuo ng partidong politikal at halalan para sa mahahalagang posisyon sa pamahalaan.
Naganap ang unang pambansang eleksiyon noong Setyembre 1935 at naging unang halal na pangulo si Manuel Quezon. Sa panahong ito pinalawak ang pakikilahok sa eleksiyon; Abril 1937 nang iginawad sa kababaihan ang karapatang bumoto.
Sinasabing ang eleksiyon ng 1949 ang simula ng isang maduming eleksyon dahil sa manipulasyon at pagbilí ng mga boto habang ang eleksiyon ng 1961 ang naging pinakamagastos.
Nang magdeklara ng Batas Militar noong 1972, nasuspinde ang eleksiyon sa bansa at muli lamang ibinalik noong 1981. Mas kilala bilang snap election ang naganap na halalan ng 1986 nang maagang magpatawag si Ferdinand Marcos ng eleksiyon dahil sa kaguluhan sa lipunan na dulot ng kritisismo ng mga tao sa kaniyang lehitimidad.
Naging kontrobersiyal ang halalan ng 2004 dahil sa eskandalong “Hello Garci,” isang pag-uusap diumano ni Gloria Macapagal Arroyo at ng noon ay election commissioner Virgilio Garcillano sa telepono hinggil sa pagdadagdag ng boto pabor kay GMA.
Ang eleksiyon ngayon ay ipinatutupad alinsunod sa Konstitusyong 1987 at ng Omnibus Election Code. Ayon dito, walang pamantayang nakapagdudulot ng diskriminasyon gaya ng edukasyon, ari-arian, at iba pa na maglilimita sa karapatang bumoto.
Naging automated ang eleksiyon sa bansa noong 2010. Ang Commission on Election (COMELEC) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang mga organisasyong nangangasiwa para isang malaya at malinis na halalan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Halalan "