Ang Kauna-unang Pampanguluhang Halalan sa Pilipinas


Makasaysayan ang petsang ika-17 ng Setyembre, 1935 dahil sa araw na iyon ginanap ang kauna-unahang pampanguluhang halalan sa buong bansa, na sa kauna-unahang pagkakataon ay binigyan ang mga mamamayan ng Pilipinas na makapamili ng mamumuno sa kanila. Idinaos ang Pambansang pampanguluhang halalan sa Pilipinas para maghalal ng mga bagong opisyales ng bagong pamahalaang Commonwealth. Natatangi ang halalang ito dahil naglaban-laban para sa pinakamataas na posisyon ang mga dating rebolusyonaryo noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Nagtapat-tapat para sa pagkapangulo ng Commonwealth ang noo’y tenyente ng Unang Republika na si Manuel Luis Quezon sa ilalim ng partido Nacionalista, ang kanyang dating commander-in-chief at dating Pangulo na si Emilio Aguinaldo para sa partido Socialista Nacional, at ang dating pari, rebolusyonaryo at punong obispo ng Iglesia Filipino Independiente na si Gregorio Aglipay para sa partido Republicano. Nagtapatan din para sa pagka-pangalawang Pangulo si Sergio Osmena, Sr., na katambal ni Quezon, Raymundo Melliza na katambal ni Aguinaldo at Norberto Nabong na katambal ni Aglipay. Mayroon ring kumandidato sa pagkapangulo bilang isang independent candidate, ang mekanikong si Pascual Racuyal.


Sa nasabing halalan, si Quezon ang nakakuha ng pinakamaraming boto na 695,332 habang si Aguinaldo ay nakakuha lamang ng 179,349 boto at 148,010 boto ang natanggap ni Aglipay, at ang independent candidate na si Racuyal ay humakot lang ng 158 boto. Makalipas lamang ang isang araw ay naiproklamang panalo para sa pagkapangulo at pangalawang pangulo si Manuel Luis Quezon at Sergio Osmeña, Sr. Dalawang buwan lang ang nakalipas, pinasinayaan ang pamahalang Commonwealth sa Pilipinas at iniluklok sina Manuel Luis Quezon at Sergio Osmeña, Sr. bilang kauna-unahang Pangulo ng pamahalaang Commonwealth.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, September 17, 1935, the election for the first officials of the Philippine Commonwealth was held. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/615/today-in-philippine-history-september-17-1935-the-election-for-the-first-officials-of-the-philippine-commonwealth-was-held

• Wikipedia (n.d.). Philippine presidential election. https://en.m.wikipedia.org/wiki/1935_Philippine_presidential_election