Gregorio Aglipay
Si Gregorio L. Aglipay (Gre·gór·yo El Ag·lí·pay) ay isang makabayang lider ng mga paring Filipino at unang Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Independiente, ang simbahang kilala ngayon sa tawag na “Simbahang Aglipay.”
Ipinanganak si Aglipay noong 5 Mayo 1860 sa Batac, Ilocos Norte.
Sa murang edad ay naulila siya at lumaki sa mga sakahan ng tabako. Sa edad katorse, nakulong siya dahil hindi nakamit ang takdang dami ng aning tabako.
Nag-aral siya ng pagpapari sa seminaryo ng mga Agustino sa Vigan at ng mga Dominiko sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila.
Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Espanyol, isa na siyang kura paroko at hindi ito nakasagabal para kumilos siya at tumulong sa mga Katipunero.
Noong 1898, hinirang siya ni Hen. Emilio Aguinaldo na Vicario General Castrense ng rebolusyonaryong pamahalaan. Ibig sabihin, siya ang pinunong espiritwal ng mga Filipino at doon nagsimula ang tinatawag ngayong rebolusyong panrelihiyon sa bansa.
Nang panahong iyon, nakita niya na walang karapatan ang mga paring Filipino, hawak ng mga fraile ang malalaking lupain, at walang hinihirang na obispong Filipino ang Papa.
Dahil dito, siya at ang iba pang paring Filipino ay humiwalay sa Simbahang Katoliko. Itinatag nila noong 26 Oktubre 1902 ang Iglesia Filipina Independiente.
Noong Enero 1903, hinirang siya bilang Obispo Maximo ng bagong simbahan ng mga obispo ng Maynila, Cavite, Nueva Ecija, Isabela, Cagayan, Pangasinan, at Abra.
Tatlumpu’t walong taon niyang pinamunuan ang simbahang ito. Bago namatay, kumandidato siyang presidente sa eleksiyon ng Komonwelt (kasama si Norberto Nabong ng Partido Komunista bilang bise-presidente) pero natalo kina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña.
Noong 1939 ikinasal siya kay D. Pilar Jamias y Ver. Namatay siya noong 1 Setyembre 1940.
Hanggang ngayon, ang simbahang itinatag niya ay nananatiling simbolo ng pagnanais ng mga Filipino na maging malaya mula sa mga dayuhan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gregorio Aglipay "