Tamblot
Si Tamblot ay isang babaylan na naging lider ng pag-aalsa sa Bohol laban sa mga Espanyol noong 1621.
Walang gaanong ulat tungkol sa buhay ni Tamblot bukod sa pagiging babaylan ng Barrio Tupas, Antequera, Bohol. Inibig ni Tamblot na bumalik sa dating pananampalataya ang mga kababayan.
Napaniwala naman niya ang maraming Boholano, lalo sa bayan ng Malabago, na sa tulong ng mga sinaunang anito at diwata ay magtatagumpay ang kanilang pag-aalsa.
Sinasabing umabot sa 2,000 ang sumama sa kaniya. Nilusob nila at sinunog ang mga simbahan bukod sa pinatay ang nahuling mga misyonerong Espanyol.
Nagpadala si Don Juan Alcarazo, alkalde-mayor ng Cebu, ng mga sundalo sa Bohol. Noong 1 Enero 1622, nilusob ng mga sundalo ang kampo ni Tamblot sa bundok. Kasama si Tamblot sa mga napatay at nahinto ang pag-aalsa. Sinunog at binura ng mga Espanyol ang bayan ng Malabago mula sa mapa.
Ang dalawang bolo sa watawat panlalawigan ng Bohol ay kumakatawan sa dalawang Boholanong nag-alsa laban sa mga dayuhan, sina Tamblot at Dagohoy.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tamblot "