Anito
Anito ang tawag sa sinaunang espiritu ng mga ninuno o espiritu ng kalikasan na sinasamba ng mga Filipino noong araw.
Itinuturing na mabubuting espiritu, ang mga anito ay nagsisilbing tagapagtanggol laban sa masasamang espiritu sa lawas ng kagubatan. Itinuturing rin sila ng ilang grupong etniko bilang tagapangalaga ng kalikasan at bilang bantay o kawal ng mga di-binyagan.
Laganap ang mga anito sa mga agrikultural na pamayanan ng Luzon. Kalimitang nag-aalay sa mga anito ng pagkain o atang at iba pang bagay ang mga tao para magkaroon sila ng masagana at payapang pamumuhay. Mga anito ang pinaniniwalaan at sinasamba ng mga katutubong Filipino bago dumating ang Espanyol.
Ang mga anito ay maaaring katawanin ng anomang bagay: imaheng kawangis ng tao na yari sa kahoy, isang pirasong kahoy, inukit na bato o maaari ring bagay na hindi nahihipo o nakikita tulad ng hangin, liwanag at dilim, o isang tinig.
Nang dumating ang mga Espanyol at ipinakilala ang Kristiyanismo, nahalinhan ang mga anito ng pagsamba sa Diyos at iba pang mga santo.
Gayunman, masasabing ang ilang paniniwala kaugnay ng anito ay maaaring nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan. Dahil dito, may ilang Filipinong iskolar na naglarawan sa relihiyong ipinakilala ng mga Espanyol na isinapraktika ng mga Filipino bilang Folk Christianity.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Anito "