Melu
Si Melu ang dakilang manlilikha ng mundo at sangkatauhan sa mitolohiyang Bilaan.
Sa simula, hinubog at pinunô ni Melu ang mundo ng mga pananim gamit ang lupa, prutas, at yantok na dala ng kanilang ibon mula sa ibayong karagatan. Nagpasiyang lumikha ng tao sina Melu kasama ang tatlo pang makapangyarihang nilalang na sina Fiuweigh, Diwata, and Saweigh.
Hinubog nilá ang hugis ng mga tao gamit ang pagkit at putik. Ngunit nailagay ng ibang tagalikha nang baligtad ang ilong ng tao. Ibinalik ni Melu ang ilong sa wastong puwesto nitó, subalit hábang ginagawa ito’y nadiin ang daliri niya sa malambot na luad. Naiwan ito bilang marka na matatagpuan ngayon sa ilalim ng ilong ng mga tao.
Sa isang bersiyon naman, nakatira si Melu sa kalangitan at umuupô sa mga ulap. Purong ginto ang kaniyang ngipin at maputîng-putî ang kaniyang balát dahil mahilig siyáng maglinis at maghilod ng katawan gamit ang kamay.
Hinubog ni Melu ang mundo at dalawang tao mula sa naipong libag na inalis sa kaniyang katawan. Hinikayat ni Tau Tana, isang nilaláng mula sa ilalim ng lupa, na baligtarin ang ilong ng mga nilikha. Dahil dito, muntik nang malunod ang mga tao nang umulan. Ibinalik ni Melu ang puwesto ng ilong para mailigtas silá.
Nagpasalamat ang mga tao at nanumpa ng katapatan kay Melu. Ipinaalam din nilá sa manlilikha na nalulungkot silá. Ipinag-utos ni Melu na kolektahin nilá ang lahat ng nalagas na buhok at libag sa kanilang katawan at mula dito, nalikha ang iba pang tao sa mundo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Melu "