Sino si Minggan?


Si Minggan ay isang tauhan sa alamat ni Mariang Sinukuan mula sa gitnang Luzon. Si Mariang Sinukuan ay isang diwata o diyosa ng Bundok Arayat sa Pampanga, at kahambing ni Maria Makiling ng Laguna. Siyá ang maganda at mabait na tagapangalaga ng bundok at mga nilaláng dito, tao man o hayop at halaman.


Si Minggan ay isang higante na masugid na manliligaw ni Mariang Sinukuan. Upang subukin ang pag-ibig ni Minggan, nagpagawa sa kaniya si Maria ng isang dike (dam) sa ilog. Sa isang kuwento, ginusto ito ni Maria upang makapiling ang mga isda, na hindi niya makaibigan dahil sa mabilis na agos ng ilog.


Sa isa namang bersiyon, ginusto niya ang dike upang mailigtas ang mga nilaláng sa pagbahâ dulot ng panahon ng tagulan. Kung ano man ang dahilan, kinailangang maitayô ni Minggan ang dike bago tumilaok ang manok sa pagbukang-liwayway.


Pumayag ang higante at kaagad sinimulan ang trabaho. Pumunta siyá sa kabundukang sinisimulan ng ilog. Gamit ang kaniyang pambihirang lakas at malaking kariton, naghakot siyá ng maraming tipak ng bato upang itabon at sarhan ang daloy ng tubig. Sa loob ng ilang oras, tumaas nang tumaas ang dike. Pinanood ni Maria ang paglaki ng lawang naiipon sa likod ng dike, at nakita ang libo-libong isdang nagkukumahog makawala.


Napagtanto ni Maria ang kamalian ng lahat. Bago maipatong ni Minggan ang hulíng tipak na magbubuo sa dike, at malayò pa ang bukang-liwayway, inutusan na ni Mariang Sinukuan ang kaniyang manok na tumilaok. Inakala ni Minggan na nabigo siyá sa pagsusulit. Nabigo rin ang kaniyang pag-ibig. Bumalik siyá sa kabundukang pinanggalingan at hindi na nakita magpakailanman.


Sa kasalukuyan, inihahalintulad ng ilang taga-Pantabangan, Nueva Ecija ang Dikeng Pantabangan kay Minggan, ang dambuhalang sa wakas ay nagpatigil sa agos ng ilog makaraan ang ilang siglo. Matatagpuan din sa bayang iyon si Elito V. Circa, isang ”folk painter” na kilalá sa kaniyang serye na naglalarawan kay Minggan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr