Handangaw
Sa wikang Tausug, literal na ibig sabihin ng handangaw ay “ga-dangkal” o “isang dangkal.” Kahit na maliit lamang si Handangaw, may pambihirang gana ito sa pagkain at lakas ng pangangatawan.
Dahil dukha ang pamilya, naging isang suliranin sa mga magulang niya ang pagpapakain sa kaniya. Makailang beses siyáng tinangkang patayin ng kaniyang magulang. Minsan, niyaya si Handangaw ng kaniyang ama na kumuha ng bato na gagamitin upang makagawa ng lutuan ang kaniyang ina.
Ang tunay na balak ng kaniyang ama ay daganan siya ng batong ubod ng laki. Dahil sa lakas ni Handangaw, sa halip na madaganan ng bato ay nabuhat niya ito. Muling tinangka ng kaniyang ama na patayin si Handangaw. Pumuntang muli ang mag-ama sa kagubatan upang pumutol ng isang napakalaking puno. Hinayaan ng ama na matumba ang punò sa anak ngunit kagaya nang nauna ay hindi ito nagtagumpay.
Gayunman, kahit na alam ni Handangaw na nais siyang patayin ng mga magulang ay mahal niya ang mga ito at ganap na pinaglingkuran. May mga kuwentong-bayan na nagsasalaysay naman sa mga pakikipagsapalaran ni Handangaw nang maglayas siya.
Hinangaan siya sa kaniyang lakas, nagkaroon ng mga kaibigan, at ginantimpalaan ng mga datu. Iniuwi niya ang gantimpala at inihati ang mga magulang. Kabilang ang kuwento ni Handangaw sa mga kuwentong-bayan na may kategoryang marchen. Sa nasabing kategorya, kakaiba ang bida kaysa karaniwang tao. Maaaring may pambihirang lakas o kayâ’y kakaibang kapangyarihan ang mga bida.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Handangaw "