Nakamihasnang pamagat ang Ibalon sa salaysay ng pakikipagsapalaran ng mga bayaning sina Baltog, Handiong, at Bantong.

Pinaniniwalaang isang sinauna’t mitolohikong salaysay ito ng mga Bikolano. Gayunman, pinagdududahang epikong-bayan ito dahil sa kasalukuyang napakaikling anyo nito (240 taludtod) at nakasulat sa wikang Espanyol.


Bahagi ang naturang teksto ng libro ni Padre Jose Castaño, isang paring nadestino sa Bikol. May makatang nagsalin ng teksto sa Bikol ngunit walang nakatutuklas hanggang ngayon ng kahit isang orihinal na saknong nitó sa wika ng mga Bikolano. May tumatawag ding Ibalon sa Kabikulan.


Nagsisimula ang salaysay sa isang kahilingan ng ibong si Yling kay Cadugnung na kantahin ang kuwento ni Handiong.

Isinasalaysay muna ni Cadugnung ang kagitingan ni Baltog na pumatay sa Tandayag, isang dambuhalang baboy.


Sumunod ang kuwento ni Handiong. Bago siya dumating ay puno ng mababangis at malalaking hayop ang Kabikulan. Madalî niyang pinatay ang mga ito maliban kay Oriol, ang mailap na ahas na nagbabalatkayo bilang isang napakagandang babae. Pagkatapos mapatay si Oriol ay nagkaroon ng mga pag-unlad sa sining at industriya sa ilalim ng pamumunò ni Handiong.


Ang hulíng bayani, si Bantong, ang pumatay sa dambuhalang si Rabot, isang nilalang na kalahating tao at kalahating hayop at nagiging bato ang matingnan. Pinatay ni Bantong si Rabot hábang natutulog. Dito huminto sa pag-awit si Cadugnung.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: