Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining para sa Eskultura noong 1976 si Napoleon V. Abueva (Na·pol·yón Vi Ab·wé·va). Sa edad na 46, siya ang pinakabatang nagkamit ng parangal na ito. Kinikilala rin siyáng Ama ng Makabagong Eskultura sa Filipinas.


Bihasa si Abueva sa iba’t ibang larangan ng eskultura. May kakayahan din siyang gamitin ang iba’t ibang uri ng materyales tulad ng kahoy, metal, at bato.


Ilan sa mga obra ni Abueva na matatagpuan sa mga espasyong publiko ay ang sumusunod:

  • Transfiguration (1979), isang matayog na pigurang Kristo sa Eternal Gardens Memorial Park sa Caloocan;
  • magkabilaang krusipiho, altar (1957) at busto ni Padre Delaney sa Chapel of the Holy Sacrifice sa kampus ng UP Diliman;
  • labing-apat na estasyon ng krus ng Kapilya ng Paaralang Claret sa Teacher’s Village, Diliman at ng EDSA Shrine;
  • Siyam na Musa sa UP Faculty Center (1994);
  • rebulto ni Teodoro M. Kalaw sa harap ng Pambansang Aklatan;
  • marmol na miyural sa Bantayog ng mga Bayani sa Bundok Samat, Bataan; at
  • Sunburst sa Peninsula Manila Hotel (1994).


Maibibilang naman sa kaniyang mahahalagang obra ang mga sumusunod:

  • Allegorical Harpoon, kabílang sa limang gawa niyá na lahok ng Filipinas sa XXXII Venice Biennale noong 1964;
  • Kaganapan (1953), itinuturing na pinakamaestilo sa kaniyang mga likha;
  • Halik (adobe), nagtamo ng ikalawang gantimpala sa ika-4 taunang eksibisyon ng Arts Association of the Philippines, 1951;
  • lumulutang na eskulturang Moses (1951);
  • Kiss of Judas (kahoy), nagwagi ng unang gantimpala sa Eksibisyon ng mga Relihiyosong Likhang Sining sa Detroit, Michigan, USA (1955);
  • Water Buffalo (Marmol), itinanghal sa St. Louis , Missouri, USA (1956); at
  • Unknown Political Prisoner, ginawaran sa Internasyonal na Patimpalak sa Eskultura ng Institute of Contemporary Arts, London (1953).


Maaga siyang naulila ng mga magulang na sina Kongresista Teodoro Abueva ng Tagbilaran, Bohol at Purificacion Veloso ng Cebu na pinaslang ng mga Hapones noong 1944 dahil sa pagiging mga gerilya.


Nakapagaral siya at nagtamo ng digri sa Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas sa pamamagitan ng iskolarship mula kay Pura Villanueva Kalaw.


Nagtapos siya ng Master sa Sining sa Cranbrook Academy of Art sa Michigan, USA noong 1955 bilang iskolar ng Fulbright/Smith-Mundt. Nagpatuloy pa siyá ng pag-aaral ng Ceramics sa University of Kansas at Kasaysayan ng Sining sa Unibersidad ng Harvard sa Estados Unidos.


Noong 1978, hinirang si Abueva bilang Dekano ng College of Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, at nanatili sa posisyong ito hanggang 1989.


Naging kabiyak niya si Sergia Valles na naging Kalihim ng National Center for Mental Health. May tatlo silang anak, sina Amihan, Mulawin at Duero.


Kabílang sa iba pa niyang nakamit na parangal ang mga sumusunod: mga gawad mula sa

  • Art Association of the Philippines (1951, 1952, 1953, 1954, 1958, 1974 at 1977);
  • Natatanging Alumnus ng School of Fine Arts, UP Golden Jubilee (1958);
  • Republic Award para sa Eskultura (1959);
  • Ten Outstanding Young Men of the Philippines (1959);
  • Cultural Heritage Award (1966).


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: