Ano ang amihan?


Amihan ang tawag sa simoy mula sa hilaga o hilagang-silangan. Nagmumula ito sa bahaging Siberia at Tsina. Nagdudulot ito ng katamtamang temperatura, may dalang ulan ngunit madalas ay wala, at hanging mula sa silangan.


Nagsisimula ito tuwing Setyembre o Oktubre at nagtatapos ng Mayo o Hunyo subalit maaaring magbago depende sa kondisyon ng panahon sa bawat taon.


Tinatawag itong aguy-oy, balas o sabalas ng mga Tagalog at Kapampangan, at amyan ng mga Ilokano, Maranaw, at Panggasinense.


Itinuturing ng sinaunang paniwala na isang mahinhin at mapagpalang simoy ang amihan, lalo’t humihihip ito sa panahon ng anihan ng palay kung Disyembre.


Sa malaking titik, ang Amihan ay isa ring mitikong ibon sa alamat ng mga Tagalog at isa sa mga nilalang na nabuhay sa santinakpan kasama sina Bathala at Amansinaya. Ito ang tumuka sa kawayan na nang mabiyak ay naglabas sa mga unang tao sa mundo, sina Malakás at Maganda.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr