Mulawin
Ang mulawin ay isang uri ng malaki at matigas na punongkahoy na likas sa Pilipinas, Indonesia, at Malaysia.
Vitex parviflora ang siyentipikong pangalan nitó. Kasama ang punòng ito sa pamilya Verbenaceae. Malapit na kamag-anak ito ng lagundi (Vitex negundo). Tinatawag rin itong molave (na isang korupsiyon sa pangalang mulawin noong panahon ng Espanyol) o tugas.
Nabubuhay ang punòng ito kahit sa tuyong lugar. Ang katamtamang sukat ang punò nitó ay 120 piye ang taas. Napakatigas at mabigat ang kahoy. Muràng dilaw hanggang matingkad na pulá at kayumanggi ang kulay ng kahoy nitó. Dahil sa tigas ng kahoy nitó, ginagamit ito sa mga mahahalagang konstruksiyon, paggawa ng barko, muwebles, kabinet, kahoy sa pag-ukit, at bilang pansahig sa bahay.
Sa probinsiya ng Sarangani, dalawa ang likás na uri ng muláwin.
- Ang isa ay kilalá sa tawag na “tugas babae” at
- ang pangalawa ay tinatawag na “tugas lanhan” na ang ibig sabihin ay malangis.
Ang tugas babae ay may malalapad na dahon at may tuwid na punò, samantalang ang tugas lanhan ay may maliliit na mga dahon at may nakabaluktot o palikulikong mga sanga. Ang una ay karaniwan nang matatagpuan sa hilagang bahagi ng probinsiya, at ng hulí ay marami sa katimugang Sarangani.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Mulawin "