Ano ang apitong?


Isang uri ng matigas na punongkahoy ang apitong na katutubo sa Timog Silangang Asia at India. Dipterocarpus grandiflorus ang siyentipikong pangalan nito.


Mainam itong uling at gawing papel. Karaniwang ginagamit na tabla ang kahoy nito para sa sahig at dingding na panloob ng bahay, pansahig ng trak, at playwud. Ang dagta nito ay ginagamit na barnis. Samantala, ang punongkahoy mismo ay mahalaga sa pagpigil ng pagguho ng lupa at pagsasaayos ng nitroheno sa lupa.


Ang apitong ay tumataas ng 43 metro, walang sanga hanggang 30 metro, at may balat na bahagyang dilaw. May dahon itong biluhaba at 10-18 sentimetro x 5-12 sentimetro ang laki, at may malaking bulaklak na may samyo.


Ang pangalan nito sa Latin ay tumutukoy sa pagkakaroon ng malaking bulaklak. Nagkakaroon ito ng bulaklak at bungang nuwes taontaon at nahihinog ang bunga sa loob ng 3-5 buwan. Ang isang punongkahoy na nagsisimulang mamulaklak at magbunga bago sumapit ang ika-30 taon nito.


Mainam na proteksiyon ng watershed ang apitong. Nakapag-iimbak ito ng maraming tubig-ulan at natitimpi ang daloy nito sa mga batis, latian, at mga imbakang-tubig ng irigasyon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: