Ipil-Ipil
Ang mga maliliit na dahon nito ay tumutubo sa dalawang gilid ng mga maliliit nitong mga tangkay. Kulay putî, bilog, at makapal ang bulaklak ng ipil-ipil na may 2-3 sentimetro ang diyametro.
Ang prutas nito ay hugis pahaba, kulay berde kapag murà, at nagiging kulay kape at bumubuká sa dalawa kapag nahinog na. Ang bawat sisidlan ng prutas nito ay may 15-25 makikintab at kulay kapeng mga buto.
Ang ipil-ipil ay isang punongkahoy na madaling paramihin dahil nabubuhay ito kahit sa mga mabatong lugar. Maraming pakinabang ang ipil-ipil kaya hinihikayat ang mga taong magtanim nito.
Ang puno nito ay ginagamit na panggatong sa pagluluto at sa iba’t ibang industriya. Ang dahon naman nito ay ipinoproseso para gawing pakain sa mga hayop na gaya ng baka at manok. Mayaman din ito sa abonong organiko.
Ang puno nito ay maaaring gamiting panangga sa hangin at gamiting lilim ng mga pananim na hindi kailangang maarawan. Ang ipil-ipil din ay malaki ang naitutulong para maiwasan ang pagguho ng lupa dahil ang mga ugat nito ay malalim ang pagkakabaon sa lupa.
Nagkaroon ng magandang karanasan at interes ang Pilipinas sa ipil-ipil kaya malaki ang oportunidad na mapaunlad ang agrikultura ng bansa dahil sa paggamit ng punong ito.
Maraming klase ang ipil-ipil. Sa ngayon maraming Filipino ang may interes sa pagtatanim ng higanteng klase ng ipil-ipil dahil mabilis itong lumaki, mas marami itong dahon, at malalaki ang kahoy na umaabot sa 50 talampakan sa loob lamang ng anim na taon.
Maraming tawag ang Filipinas sa ipil-ipil: komkompotis at kariskis sa Iloko, loyloi, kabanero, at san pedro sa Bisaya at ipel sa Tagalog.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ipil-Ipil "