Epifanio de los Santos Avenue (EDSA)
Sa kasalukuyan, tinatayang 23.8 kilometro ang haba nito, mula sa Monumento sa Lungsod Caloocan hanggang sa Mall of Asia sa Lungsod Pasay, at sampung lane o daan naman ang lapad. Sa kahabaan nito, pinaguugnay ng EDSA ang limang lungsod: Pasay, Makati, Mandaluyong, Quezon, at Caloocan. Tinatayang 2.34 na milyong pasahero ang dumadaan sa pangunahing lansangang ito araw-araw.
Ang nasabing daan ay ipinangalan kay Epifanio de los Santos, isang kilalang manananggol, historyador, peryodista, at manunulat at naging Direktor ng Kawanihan ng Aklatan at Museo noong panahon ng Amerikano.
Bago bansagang EDSA, may dalawa pa itong naunang pangalan. Nang matapos ito noong Panahon ng Komonwelt, pinangalanan itong “19 de Junio” bilang paggunita sa kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Pagkaraan, tinawag naman itong “Highway 54.” Ngunit sa bisa ng Batas Republika 2140, sinimulan itong tawaging “Epifanio de los Santos Avenue” noong 1959.
Kinikilala ng maraming Filipino ang EDSA hindi lamang bilang pangunahing lansangang naghahatid sa kanila sa mahahalagang destinasyon sa Kamaynilaan, kundi bilang saksi rin ng kanilang kamulatang pampolitika. Dito naganap ang makasaysayang EDSA Revolution noong Pebrero 1986, ang pagtitipon ng libo-libong Filipino para iprotesta ang pinaniniwalaan nilang malawakang pandaraya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos sa halalan sa pagkapangulo noong 7 Pebrero 1986.
Humantong ito sa pagpapabagsak sa pamahalaan ni Marcos at ang pagpapatalsik sa tinaguriang diktador patungong Hawaii. Sinundan pa ito ng isa pang malawakang kilos-protesta laban naman kay dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada noong Enero 2001. Ang binansagang EDSA Dos ay paninindigan ng ilang sektor ng lipunan laban sa pinaniniwalaang korupsiyon ni Estrada.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) "