Ang pagbabalik sa Pilipinas ng pamilyang Marcos


Eksaktong tatlong dekada na ang nakararaan, matapos ang anim na taong pananatili bilang exile sa Hawaii, nakauwi na rin sa wakas ang dating Unang Ginang ng Pilipinas na si Imelda Romualdez Marcos kasama ang kanyang mga anak sa araw na ito, Nobyembre 4, noong 1991.


Pinayagan ng pamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Corazon Aquino ang pagbabalik ng dating Unang Ginang, habang masayang sinalubong ng mga tagasuporta ng kanyang asawa at ng kanyang pamilya si Imelda Marcos.


Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, nakahanda ang isinampang 70 kasong kriminal at sibil ng pamahalaang Pilipino laban sa kanya, nang akusahan siya ng umano’y pandarambong ng kanyang pamilya sa kaban ng bayan sa loob ng dalawang dekadang rehimen ng kanyang asawa. Pinasinungalingan ni Imelda Marcos ang paratang na iyon, at sinabing kita naman sa mga imprastrakturang ipinatayo ng kanyang asawa kung saan napupunta ang buwis ng tao.


Bumalik man ang dating Unang Ginang, hindi pa rin pinayagang makabalik sa Pilipinas ang mga labí ng dating Pangulong Marcos, kahit na inalis na ang kautusan ng pagbabawal ng pagbabalik ng kanyang mga labí noong Oktubre 1991. Pinayagan rin kalaunan ang pagbabalik ng kanyang mga labí sa kondisyong hindi gagamitin sa pulitika ang kanyang paglilibing, at direktang ililipat siya sa Ilocos Norte, walang isasagawang parada sa Maynila para ihatid sa huling hantungan ang dating Pangulo, at kung ililibing man siya’y ililibing siya nang may parangal pangmilitar para sa ranggong Major.


Dalawang taon matapos nakauwi sa Pilipinas si Imelda Marcos, inuwi noong Setyembre 1993 ang mga labí ni Pangulong Marcos at inilagak sa isang refrigerated crypt sa Batac, Ilocos Norte, kung saan naman siya namalagi hanggang bigyan siya ng marangal na libing sa Libingan ng mga Bayani noong Nobyembre 2016.


Mga Sanggunian:
• https://kahimyang.com/kauswagan/articles/2641/today-in-filipino-history-november-4-1991-imelda-marcos-return-home-after-nearly-6-years-of-exile-in-hawaii
• https://en.m.wikipedia.org/wiki/Burial_of_Ferdinand_Marcos