Itinuturing na katumbas ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining, ang Gawad sa Manlilikha ng Bayan o National Living Treasures Award ay ipinagkakaloob sa mga indibidwal o pangkat na nagpapamalas ng mataas na antas ng teknikal at artistikong kahusayan sa sining na taal na Filipino.


Pinagtibay ng pamahalaan noong 5 Pebrero 1992 sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7355, ang Gawad Manlilikha ng Bayan o Gamaba ay halaw sa National Folk Artist Award na iginawad ng Rotary Club of Makati-Ayala noong 1998.


Layunin ng gawad na: 

  • kilalanin ang kahalagahan ng mga tradisyonal na manlilikhang-bayan;
  • muling payabungin ang katutubong sining ng mga komunidad pangkultura;
  • magtakda ng mga mekanismo sa pagkilala at pagtulong sa mga kalipikadong manlilikhang-bayan upang maituro nila ang kanilang kaalaman sa komunidad; at
  • lumikha ng mga oportunidad upang makilala ang kanilang mga likha sa loob at labas ng bansa.


Kabilang sa mga sining na kinikilala sa gawad na ito ay ang

  • katutubong arkitektura,
  • paglalayag,
  • paghahabi,
  • paglililok,
  • pagtatanghal,
  • panitikan,
  • grapiko at plastik na sining,
  • paggawa ng mga palamuti,
  • paghabi ng tela,
  • pagpapalayok, at iba pa.


Ang pagpili sa mga Manlilikha ng Bayan ay ipinatutupad ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), ang pangunahing tagapag-ugnay ng lahat ng mga ahensiyang pangkultura at pansining ng bansa.


Bago ito ipagkaloob, ipinaaalam muna sa indibidwal o pangkat ang kanilang mga tungkulin at karapatan.


KabĂ­lang sa kanilang tungkulin ang:

  • isalin ang kanilang kasanayan sa mga nakababatang kasapi ng komunidad;
  • itaguyod at palaganapin ang kanilang sining; at
  • magkaloob sa Pambansang Museo ng mga halimbawa, kopya, o dokumentasyon ng kanilang likha.


Ang mga nagawaran ay pinagkakalooban ng 

  • plake o medalya,
  • inisyal na pondo, at
  • buwanang salapi habang sila ay nabubuhay upang maisakatuparan ang kanilang tungkulin.

Ang pagkilalang ito ay iginagawad ng Pangulo ng Filipinas sa isang pampublikong seremonya.


Ang mga nagawaran na ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan ay ang mga sumusunod:

  1. Alonzo Saclag
  2. Darhata Sawabi
  3. Eduardo Mutuc
  4. Federico Caballero
  5. Ginaw Bilog
  6. Haji Amina Appi
  7. Lang Dulay
  8. Magdalena Gamayo
  9. Masino Intaray
  10. Salinta Monon
  11. Samaon Sulaiman
  12. Teofilo Garcia
  13. Uwang Ahadas

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: